SA Linggo, Agosto 12 na ang 2018 Cinemalaya Awards Night na gaganapin sa Tanghalang Nicanor Abelardo, CCP Main Theater. Nagsimula ang film festival nitong Agosto 3 at magtatapos sa Agosto 12.

Bodjie Dante Menggie Eddie

Batay sa pahayag ng mga movie reviewer, direktor, artista, producer at katotong nakatsikahan namin, maglalaban-laban sa Best Actor category sina Eddie Garcia (ML), Menggie Cobarrubias at Dante Rivero (Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon), at Bodjie Pascua (Pan De Salawal).

Biro nga naming, pawang senior citizens ang maglalaban sa nasabing kategorya, akalain mo na sila pa ang mga bumida sa 14th Cinemalaya Film Festival.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

Sa Best Actress category ay nabanggit ang mahusay na pagkakaganap nina Perla Bautista (Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon), Iza Calzado (Distance), Ai Ai de las Alas (School Service), at Glaiza de Castro (Liway).

Sa nasabing kategorya ay tiyak na mahihirapan daw ang mga hurado kung sino ang papanalunin. Abangan.

Ang gustong manalo ng mga kausap namin, para sa Best Picture category, ay ang Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon at Liway. Nakasisiguro raw silang ang dalawang nabanggit ang mahigpit na magkalaban.

Sa Best Director ay marami ang bumanggit sa pangalan nina Kip Oebanda (Liway) at Perci Intalan (Distance). May anim kaming kausap na nagbanggit sa pangalan ni Carlo Catu (Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon).

Hindi pa namin napanood ang School Service, Liway, Mamang, Pan De Salawal, Distance, The Lookout at Musmos na Sumibol sa Gubat ng Digma.

Anyway, napanood namin ang Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon sa gala night nito noong Miyerkules ng gabi at nalungkot kami sa kuwento, pero hindi kami nagawang paiyakin o paluhain kahit pa mababaw ang luha namin.

Baka siguro nilabanan naming huwag maiyak. Mas binigyang pansin namin ang technical aspect ng pelikula. Ang ganda kasi ng cinematography ni Neil Daza, ang galing ng pagkaka-direk ni Carlo, ang ganda ng production design, lalo na ‘yung bahay ni Bene (Dante) na nabubulok na at sinabing kasabay niya sa pagtanda. At ang pabaha effect sa bakuran ng bahay na hindi pala totoong baha iyon, dahil tirik ang araw nung i-shoot ang eksena.

At in fairness, ang gagaling talagang umarte nina Tito Dante, Tito Menggie, at Tita Perla at kung paano nila i-deliver ang mga dialogue na hindi adlib. Mga simpleng banat ng una na tagos sa puso.

Iisa ang tanong naming, posible nga bang mangyari ‘pag malapit na ang dapithapon ng tao ay aalagaan niya ang dating minahal, katuwang ang kasalukuyang karelasyon?

Sinagot kami ng isang veteran writer: “Puwedeng mangyari kasi dati mo namang minahal, masakit lang sa present na kasama mo. Pero kung iisipin mo walang selosan na dapat, kasi matatanda na kayo. Lalo na ‘pag hinihintay ninyo na ‘yung malapit na kayong mawala sa mundo. Realidad ‘yun.”

Kaya pala halos lahat ng senior citizen na nakapanood na ng Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon ay gustung-gusto ang kuwento ng pelikula dahil nakaka-relate sila.

Well, abangan kung may makukuhang awards ang pelikula!

-Reggee Bonoan