WALANG alinlangan na ang pagkakasabat kamakalawa ng 3.4 bilyong pisong halaga ng shabu sa Manila International Container Port (MICP), ay katugunan sa paulit-ulit nating katanungan: Bakit hindi maubus-ubos ang naturang illegal drug sa mga komunidad; bakit talamak pa rin ang droga na sinisinghot at ibinebenta ng mga users, pushers at druglords?
Ang nabanggit na bultu-bultong bawal na droga na tumitimbang ng 500 kilo ay nasabat ng pinagsanib-puwersang tauhan ng Bureau of Customs (BoC) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ito ay itinuturing na ‘biggest haul’ sa panunungkulan ng kasalukuyang pamunuan ng nabanggit na mga ahensiya. Ang hinalinhang pamunuan ng BoC at PDEA ay unang nakasamsam ng 604 na kilo ng pinaghihinalaang shabu sa isang bodega sa Valenzuela City.
Dahil dito, gusto kong maniwala na ilan sa mga 20-footer at 40-footer container van na naghambalang sa MICP ay naglalaman din ng nasabing illegal drugs. Dangan nga lamang at ang mga iyon ay hindi malayong inililihim ng ilang tiwaling tauhan ng gobyerno na pinaghihinalaang kasabwat ng mga smuggling syndicate. Puspusang paghahalughog sa naturang mga container van ang kailangang pagtuunan ng pansin ng ating matitinong lingkod ng bayan.
Hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga hinala na ang mga shabu laboratory ay matatagpuan din sa mga liblib na lugar sa kapuluan – tulad ng nadiskubre sa Arayat, Pampanga. Maging ang ilang barko sa karagatan ay sinasabing ginagamit ding laboratoryo ng mga bawal na gamot – tulad naman ng nasabat sa dalampasigan sa Zambales. Hindi malayo na ang ilan sa mahigit na 7,000 isla sa bansa ay ginagamit ding pantalan para sa paghahatid ng mga bawal na droga.
Nakadidismaya na sa kabila ng maigting na kampanya ng administrasyon laban sa droga, hindi pa rin ganap na nasusugpo ang manaka-nakang pagpasok ng shabu sa mga piitan, lalo na sa New Bilibid Prison (NBP). Sa kabila ng mahigpit na pagtatanod ng PNP-SAF, nakalulusot pa rin umano ang mga tinatawag na mga drug mule – ang tagapaghatid ng illegal drugs. Iniulat na isa ring piitan sa Cebu ang ginagamit na laboratoryo ng shabu.
Sa gayong mga pangyayari, hindi nagbabago ang aking paninindigan na marapat pang lalong pag-ibayuhin ang kampanya laban sa droga kahit na ang ganitong mga pagsisikap ay humantong sa malagim na wakas para sa mga pushers at druglords na sumisira sa lipunan – na balakid sa paglikha ng drug-free community.
-Celo Lagmay