Humiling ng temporary restraining order (TRO) sa Court of Appeals (CA) si Lipa City, Batangas Mayor Meynardo Sabili dahil sa isang taong suspensiyon na ipinataw sa kanya ng Office of the Ombudsman kaugnay ng illegal reassignment ng isang welfare officer ng lungsod noong 2015.
Bukod dito, naghain din si Sabili ng motion to review na humihiling na himayin muli ang kaso nitong administratibo.
Ayon sa chief of staff ng alkalde na si Bernadette Sabili, hindi pa rin ipinapadala sa kanila ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang suspension order kaya umaasa pa rin silang maglalabas ng TRO ang hukuman ngayong araw.
Paliwanag ng anti-graft agency, inilabas nila ang suspensiyon nang mapatunayang nagkasala si Sabili sa reklamong Oppression and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Noong Setyembre 10, 2015, naghain ng reklamo si City welfare officer Teresita Pesa laban kay Sabili kaugnay ng ilegal na pagpapalipat sa kanyang ng puwesto sa iba’t ibang pagkakataon.
Ang naturang desisyon ay inaprubahan ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales noong Hunyo 29, 2018.
Bukod kay Sabili, pinatawan din ng kaparehong parusa si City administrator, Atty. Leo Latido.
Binanggit pa nito, hindi rin isinasaalang-alang ng anti-graft agency ang letter of appeal ni Pesa, na natanggap ng Office of the Deputy Ombudsman noong Pebrero 3, 2017, kung saan nakasaad na umuurong na ito sa kanyang reklamo laban alkalde.
Nilinaw ni Pesa na ang nabanggit na reklamo ay isa lamang produkto ng hindi nila pagkakaunawaan ni Sabili.
-Lyka Manalo