LAKING pasalamat ng mga independent producer at filmmaker kay Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairwoman Liza Diño dahil sa proyekto nitong Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na nagiging daan para muling maipalabas ang mga pelikulang nanalo sa iba’t ibang film festivals dito sa Pilipinas, kabilang ang Cine Filipino, QCinema, ToFarm, Sinag Maynila, Cinema One Originals, at Cinemalaya.

Liza

Pagkatapos kasi ng mga nabanggit na festival, na limitado lang ang araw para maipalabas ang mga pelikula, ay hindi na mapapanood sa alinmang sinehan ang kanilang mga pelikula. Hihintayin na lang ito sa telebisyon, at worst, mabibili na lang ito sa pirated DVDs.

Naikuwento pa na walang means ang mga nabanggit na producer at filmmaker para sa bonggang promo, gaya ng ginagawa para sa mainstream films.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Sa aming maliliit na pelikula, ang laging diskarte naming, kasi wala kaming pera, ay social media at word of mouth talaga. Kailangan naming mag-ingay sa Twitter, sa Facebook at kung anu-anong pa-contest ang ginagawa namin sa FB page namin para lang mapansin kami. I-add n’yo po kami sa FB,” kuwento ng isang independent producer.

“May isang contest kami ro’n na ang prize ay worth of P2,000 ng ukay-ukay at saka two festival passes. Nakakabakya pero kailangan naming gawin para mag-ingay at mapansin kami kaya. ‘Yun lang so far kasi ang kaya naming gawin.”

Bukod sa mga pelikulang tampok sa 2nd PPP simula sa Agosto 15, mapapanood din ang Gusto Kita With All My Hypothalamus, sa direksiyon ni Dwayne Baltazar; High Tide, ni Tara Illenberger; Kiko Boksingero, ni Thop Nazareno; Paki, Tu Pug Imatuy, ni Arnel Barbarona; at The Howling of Wilderness, ni Khavn dela Cruz.

Anyway, may kahilingan ang filmmakers na dumalo sa mediacon ng Special Feature Films, na sana ay mapanood sila sa mga probinsiya dahil nakatitiyak sila na nandoon ang audience nila, dahil maraming makaka-relate sa kanilang movies.

Bukod dito, nais din sana na hayaan naman ng theatre owners na mag-display sila ng posters ng kanilang pelikula, at hindi puro foreign films ang nakalagay. Sana ay priority daw ang Filipino films.

Isa pang ipinagpapasalamat ng mga nabanggit na filmmakers ay walang cut o porsiyentong kinukuha ang FDCP, hindi katulad sa ibang film festival na kinukunan sila ng porsiyento.

Ayon nga kay Chair Liza, walang kikitain ang FDCP sa PPP.

“PPP gets zero, FDCP gets zero wala kaming kikitain dito sa Pista ng Pelikulang Pilipino, because this is a platform for exhibitions of our filmmakers and producers na gustong makapagpalabas nationwide. That is the trust, we are spending and investing because we believed that PPP is something that is not just relevant to our producers but pati the audience as well.”

Naging successful ang unang project ni Ms Liza noong 2017 PPP dahil nakita ng audience na hindi lang puro rom-com ang puwede nilang panoorin sa commercial theatres, kundi iba’t ibang genre. Kaya talagang nag-i-invest sa marketing at promotion ang FDCP nang walang hinihintay na kapalit.

-Reggee Bonoan