UPANG makuha ang loob ng Senado para sa panukalang amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly, sinabi ni bagong House Speaker Gloria Macapagal Arroyo nitong Miyerkules na kailangang hiwalay na bumoto ang Kamara at Senado para sa pag-abruba rito.
Nanindigan si dating Speaker Pantaleon Alvarez sa isang Constituent Assembly, na kinakailangang maupo ang Senado at Kamara bilang isang kinatawan at magkasamang bumoto sa iisang sesyon. Sa 297 kongresista at 24 na senador, madali lang para sa Kamara na dominahin ang pagdinig.
Tinanggihan ng mga senador ang kanyang posisyon, siyempre pa, at ipinunto na sa lahat ng probisyon sa nakasaad sa Konstitusyon—sa pag-abruba ng isang batas, halimbawa, at sa isang paglilitis para sa impeachment—laging bumuboto nang magkahiwalay ang dalawang Kongreso. Ang problema, isinasaad lamang sa Artikulo XVII ng Pag-amyenda o Rebisyon, ng Seksyon 1 ng Konstitusyon na: “Any amendment to, or revision of, this Constitution may be proposed by: (1) The Congress, upon a vote of three fourths of all its members; or (2) a Constitutional Convention.”
Nilinaw na ngayon ni Speaker Arroyo ang hindi pagkakasundo—hiwalay na boboto ang dalawang kapulungan. Dahil dito, mapananatili na ng Senado ang hiwalay nitong kapangyarihan at awtoridad; hindi na ito kahiya-hiyang maisasantabi ng isang interpretasyon na pumapabor sa magkasalong botohan.
Malugod namang tinanggap ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, pangulo ng partidong PDP-Laban ng administrasyon, ang naging pahayag ni Speaker Arroyo. “That should settle the issue on how the vote is taken and counted,” aniya. “We can now focus on the substance of federalism.”
Gayunman, sinabi ni Senador Panfilo Lacson na hindi pa rin ito nangangahulugan ng pagsuporta sa anumang hakbang na baguhin ang Konstitusyon, sa pamamagitan man ito ng Constituent Assembly o ng People’s Initiative, o maging sa isang Constitutional Assembly. Nanindigan naman si Senador Francis Pangilinan, ng partido Liberal, sa kanyang pagtutol sa anumang rebisyon o pag-amyenda ng Konstitusyon sa ngayon.
Si Pangulong Duterte ang talagang nagnanais ng bagong Konstitusyon para sa pederal na sistema ng pamahalaan na aniya’y magtutuwid sa kawalang katarungan sa kasaysayan ng mga Moro. Sa ilalim ng pederal na sistema, isa ang Bangsamoro Autonomous Region sa 18 rehiyon, sa ilalim ng pambansang gobyerno. Magkakaroon ang mga rehiyon na ito ng mas malawak na kapangyarihang makapagsarili kumpara sa ipinapahintulot ngayon para sa mga probinsiya at lokal na pamahalaan.
Sa naging pagpapatibay kamakailan sa Bangsamoro Organic Law, nakamit ng Pangulo ang pangunahin nitong tunguhin. Lilikha lamang ang Pederalismo sa ilalim ng bagong Konstitusyon ng ibang magkakahalintulad na awtonomiyang rehiyon, kaya lalabas na magkakaroon ang Bangsamoro ng awtoridad at pondo na hindi naiiba sa ibang rehiyon.
Ang patuloy na pagtutol ng maraming senador sa Constituent Assembly, kahit pa magkahiwalay na boboto ang Senado at Kamara, ay isang balakid sa daan ng hakbang para sa isang bagong konstitusyon. Nariyan din ang resulta ng pag-aaral ng Pulse Asia nitong Hunyo kung saan lumalabas na 62 porsiyento ang kontra sa panukalang paglipat sa pederalismo sa ngayon.
Sa susunod na sampung buwan, habang dinidinig ng Constituent Assembly ang panukalang konstitusyon, baka sakaling malutas ng isang kampanyang nagbibigay ng impormasyon ang kasalukuyang pagtutol ng publiko, na maaari ring magkumbinsi sa mga senador para muling pag-isipan ang kanilang sariling pagtutol at malaman ang pakinabang na idudulot ng bagong pederal na sistema ng pamahalaan.