POSITIBO si Asian Games Chef de Mission at Ormoc City Mayor Richard Gomez na kakayanin ng koponan ng Pilinas na malampasan ang naging performance ng bansa sa nakaraang Asian Games sa pagsabak quadrennial meet sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2 sa Indonesia.

Sinabi ni Gomez na hindi biro ang labanan na susuungin ng mga atleta sa nasabing kompetisyon na itinuturing pinakamatinding multi-sports competition sa rehiyon ngunit naniniwala siya na makakuha ng medalya ang bansa sa ika-18 edisyon ng Asiad.

“Alam naman natin na hindi naman biro ‘yung level of competition sa Asian Games. ‘Yung makapag-uwi tayo ng ilang gold medals, sobrang malaking achievement na ‘yung,” pahayag ni Gomez.

Sa nakaraang Asiad noong 2014 sa Incheon, tanging ang BMX rider Daniel Caluag ang nakasilat ng gintong medalya, ngunit ayon kay Gomez, malakas ang laban ng combat sports.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kabilang sa mga combat sports na tinutukoy ni Gomez ay ang taekwondo, boxing, judo at jiujitsu, ngunit ayon sa kanya ay malakas din ang laban ng mga weightlifters kung kaya naman alam niya na higit sa isang gintong medalya ang maiuuwi ng Pilipinas mula sa Indonesia.

“They’re doing well based on their international exposures and training. So tingnan natin. Syempre lahat naman ng mga officials natin ay naghahangad na maging maganda performance ng team kaysa the last time. We’re just hoping and praying that we will have a great performance in the coming Games,” ayon kay Gomez.

Magiging masakit umano para sa Pilipinas kung wala itong maiuuwing ginto para sa kampanya nito sa Asiad.

-Annie Abad