PANLILIO: Laban-laban, bawi-bawi SBP, nagbago ng desisyon sa basketball Asian Games pullout?

Ni Edwin G. Rollon

TILA tumimo sa puso ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) ang mga negatibong birada ng sambayanan para ikonsidera ang naunang desisyon na iatras ang men’s basketball team sa Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Ayon sa isang opisyal na may direktang kinalaman sa usapin, nagbago ang ihip ng hangin ng pamunuan ng SBP, sa pamumuno ni president Al Panlilio, upang bawiin ang nakadidismayang desisyon at muling lumahok sa quadrennial meet.

“Medyo matindi ang pressure, kaya nagdecide ang mga boss na magbalik sa table at muling makipag-usap sa mga basketball officials para makapagpadala tayo ng team sa Asiad,” ayon sa source na tumangging pabangit ang pangalan dahil hindi pa opisyal ang lahat.

Ayon sa source, nakatakdang makipagpulong ang SBP sa PBA Board nitong Linggo ng hapon upang muling ilatag ang posibilidad na magbuo ng koponan at ipalit sa Gilas Pilipinas ng SBP para sa Asiad.

Aniya, inaasahang ipahahayag ng SBP ang desisyon sa isang press conference Linggo ng hapon bago ang Game 5 ng PBA Commissioners Cup sa pagitan ng Ginebra at San Miguel Beer.

Iginiit ng source na kinatigan ng SBP ang naunang plano na katawain ang bansa sa Asian ng PBA selection, kabilang ang core ng Rain or Shine sa pamumuno ng coach Yeng Guiao.

Ang naturang plano ang siyang unang napagkasunduan bago naglabas ng sopresang desisyon ang SBP na hindi na lamang magpadala ng team upang mag-focus sa paghahanda sa FIBA World Asian qualifying.

Ang pag-atras ay inaasahang may kaakibat na sanctioned at multa mula sa Olympic Council of Asia (OCA) at International Olympic Committee (IOC).

Ikinadismaya rin ang naging desisyon nang mga PBA legends tulad nina living legend at dating Senator Robert Jaworski at Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon Fernandez. Ang dalawa ay bahagi ng RP Team na huling umusad sa championship match ng Asian Games noong 1990 sa Beijing, China.

Ikinalungkot din ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang desisyon na aniya’y kulang sa konsultasyon sa mga stakeholders ng sports.

Kung muling magpapadala ng koponan sa Asian Games, may dalawang lingo na lamang para magensayo ang koponan bago ang opening ceremony ng Asiad sa Agosto 18.