NAGING sunod-sunod ang pagpasok ng mga bagyong ‘Gardo’, ‘Henry’, ‘Inday’ at ‘Josie’ mula sa Pasipiko sa mga nakaraang linggo, na nagpaigting sa habagat at nagbuhos ng ulan sa maraming bahagi ng Pilipinas. Mapalad tayo na hindi tumama sa lupa ang mga bagyo, kaya naman ang dala nitong pinsala karamihan ay dahil sa baha nitong idinulot.
Kaiba sa ating naranasang pagbaha, dinadanas naman ng Amerika sa kasalukuyan ang malawakang sunog o wildfire. At ngayon, matinding heat wave ang nananalasa sa Europa, dahilan upang mamatay ang mga isda sa ilog ng Rhine at Elbe sa Germany, ipagbawal sa Poland ang paglangoy sa baybayin ng Baltic Sea dulot ng biglang pagdami ng nakalalasong bakterya, ang halos daang taong namamatay sa malawakang sunog sa Greece, pagpalo sa 45 degrees Celsius ng temperatura sa Spain at Portugal. Habang naiulat din ang ilang pagkamatay sa Japan at Canada.
Sa isang pag-aaral na inilimbag sa online journal na PLOS Medicine, sinasabing maaari pa umanong tumaas ng 2,000 porsiyento ang bilang ng mga nasawi dulot ng heat wave sa ilang bahagi ng mundo, kung saan inaasahang maitatala ang pinakamaraming namatay sa mga bansang malapit sa equator. Maaari umanong dumanas ang Colombia sa South America ng pagtaas ng 2,000% ng bilang ng mga masasawi dulot ng matinding init sa pagitan ng 2031 hanggang 2080, kumpara noong 1971-2010. Nakasaad din dito na inaasahan ang malaking pagtaas ng premature death sa Pilipinas at Brazil.
Disyembre noong 2015 nang magtipon-tipon ang mga bansa sa Paris, France, kung saan pinag-usapan ang lumalalang panganib na maaaring idulot ng pagbabago ng klima. Ang industrial emission, ang itinuturong dahilan ng pagtaas ng pandaigdigang temperatura na nagiging dahilan naman ng pagkatunaw ng malalaking pitak ng yelo sa rehiyon ng Arctic at Antartica, na nagpapataas ng tubig sa mga karagatan. Nagpapalakas din ang init sa mga bagyong namumuo sa karagatan ng mundo.
Bumuo ng kasunduan ang United Nations Climate Change Conference na nilagdaan ng 130 bansa, kabilang ang Pilipinas, kasabay ang pagpapatibay ng bawat bansa ng mungkahing kontribusyon tungo sa layuning mabawasan ang global warming ng hindi bababa sa 2°C kumpara sa pre-industrial level. Bahagi ng mungkahing kontribusyon ng Pilipinas sa tunguhin ang pangakong hakbang sa paggamit ng renewable energy, tulad ng wind, solar, biomass at geothermal, habang unti-unting tinatalikuran ang paggamit ng uling at iba pang uri ng petrolyo upang makalikha ng kuryente.
Mahirap matukoy kung gaano na kalaki ang nakamit ng bansa sa mga nagdaang taon sa panukala nitong kontribusyon para sa ikatatagumpay ng Paris Conference simula nang lagdaan ang makasaysayang kasunduan. Ngunit ang pandaigdigang problema sa climate change ay malinaw na lumalala batay sa nararanasang heat wave sa Europa at ang malawakang sunog sa Amerika at Greece.
Kailangan nating manatili at manindigan sa isinumite nating programa sa kumperensiya sa Paris, partikular sa pagpapaunlad natin ng renewable energy. Sa ngayon, kinakailangan nating mamuhay sa ‘tila walang katapusang mga pag-ulan na nagdulot ng ilang linggong pagsasara ng mga paaralan. Kasabay nito ang paghahanda natin sa mga bagyo na hindi maiiwasang tumama sa ating mga isla sa mga susunod pang buwan.