SA taping ng GMA-7 teleseryeng Hindi Ko Kayang Iwan Ka ay naka-one-on-one interview namin ang pangunahing bida na si Yasmien Kurdi.
Sa serye ay biktima ng HIV itong si Yasmien, kaya medyo hirap siya sa kanyang character dito.
“Mahirap talaga siya kasi kailangan kong gampanan nang maayos ang role. Talagang medyo mahirap kasi hindi lang siya ‘yung nanay role kundi may sakit pa. Eh, ‘yun po ang mahirap, lalo na kung may kinalaman sa health. Kasi kailangan magmukha kang may sakit,” kuwento ni Yasmien.
In real life, sino ang hindi niya kayang iwan?“Hindi ko kayang iwan si God. Ang anak ko rin, siyempre, pero iiwanan rin ako ng anak ko, kasi mag-aasawa din ‘yan. Ang anak ko babae, siyempre ‘pag nag-asawa ‘yan, sasama sa asawa niya at kami ng asawa ko ay maiiwan.
“Ang asawa ko kahit mag-asawa na ‘yung anak ko dahil babae, aalis ‘yan ng bahay namin, ang asawa ko siyempre and’yan pa rin magkasama kami. “Hindi ko siya iiwan. Sa hirap at ginhawa hindi ko siya iiwan. At malamang hindi rin niya ako kayang iwan, sasabunutan ko siya. Ha, ha, ha!”Piloto ang asawa ni Yasmien, kaya kahit hindi siya mag-artista ay kaya siyang buhayin ng kanyang mister.
“Opo siyempre. Kaya naman niya. Saka isa pa lang naman ang anak namin sa ngayon. At five years old na siya.”
Ayaw pa nilang sundan?
“Gusto ko, pero siguro mga after nitong Hindi Ko Kayang Iwan Ka, siguro isang show pa po, kasi medyo nabibitin pa ako, eh. Gusto ko pa po talagang umarte. Love ko pa rin talaga itong showbiz career ko, tapos bata pa naman ako. Nasa twenties pa lang, 29 pa lang ako. ‘Yung iba nga nasa 30s or 40s nam, ako naman hindi pa naman naghahabol sa expiration date kung hanggang kailan puwedeng manganak ang isang babae,” nakangiting sabi ni Yasmien.
And take note, tipong hindi talagang kayang iwan nitong si Yasmien ang kanyang seryeng HKKIK, dahil patindi nang patindi ang mga eksena niya sa serye, courtesy of their butihing direktor, si Neal del Rosario.
-MERCY LEJARDE