SA pocket presscon ng Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon (Waiting for Sunset) na entry sa 2018 Cinemalaya, inamin ng leading lady nina Dante Rivero at Menggie Cobarrubias na si Ms Perla Bautista na kung sakaling nangyari sa kanya ang kuwento sa pelikula ay pareho rin ang kanyang gagawin.

Ang istorya ng Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon, na sinulat ni JC Pacala at idinirek ni Carlo Catu ay tungkol sa mag-asawang (Perla at Dante) nagkahiwalay dahil babaero si lalaki at si babae naman ay nakatagpo ng bagong pag-ibig (Menggie).

Hanggang sa tumanda na silang pare-pareho at nagkasakit si lalaki at dahil wala naman siyang ibang pamilya kaya tinawagan niya ang dating asawa para alagaan siya. Kaagad namang sumaklolo ang ginang sa dating asawa kahit na may iba na siyang kinakasama.

“For humanitarian reasons na lang, pero ‘yung love wala na. Nawawala naman ‘yung love, eh,” katwiran ni Tita Perla. “Kung ‘yung stranger nga tutulungan mo kapag nangailangan ng tulong, eh, ‘di lalo na kung naging parte ng buhay mo at nagkaroon kayo ng anak.”

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

Si Romnick Sarmenta ang anak nina Tita Perla at Tito Dante sa pelikula.

“Martyr ang role ni Menggie dito, pero hindi ma-drama ang kuwento kasi normal lang naming pinag-uusapan ang past namin. Walang iyakan o hagulgulan,” kuwento pa ng beteranang aktres.

Natanong tuloy namin kung may komunikasyon pa si Tita Perla sa mga naging boyfriend niya noong kabataan pa niya.

“Wala na, wala naman, “kaswal na sagot nito. “Mga naging ex, akala mo naman marami, ‘yun pala isa lang,” sabay tawa at nagkatawanan na rin ang lahat.

Aware ang lahat sa showbiz kung sino ang nag-iisang nakarelasyon ng aktres, kaya natanong kung siya ba ang tinukoy noon ng ex-boyfriend niya na “the one that got away”?

Hindi kaagad nakasagot si Tita Perla.

“Hayaan n’yo na lang ‘yun. Huwag n’yo akong paiyakin (sabay punas ng kaliwang mata), hindi naman ako iiyak. May diperensiya itong kaliwang mata ko. Hindi wala naman. Wala naman, eh. Pero kaya kong harapin (ex-boyfriend).

“Ako ang the one that got away sa kanya (ex-boyfriend), ako hindi,” biglang sabi.

Nang magkaedad na sila ay hindi pa raw sila nagkikita sa mga showbiz event, bagamat pagkatapos nilang magkahiwalay noong kabataan nila ay gumawa sila ng pelikula dahil naging magkaibigan naman sila.

‘Yun nga lang, wala pala silang closure. At hindi rin alam ng dating karelasyon kung bakit siya iniwan ni Tita Perla.

Ano nga ba ang dahilan bakit iniwan ni Tita Perla ang dating nobyo?“Hindi siya gusto ng tatay ko,” tipid na sagot.

Hindi rin daw inalok si Tita Pearl ng kasal ng dating nobyo dahil ang pinangakuan ay ang magulang niya.

Samantala, nakiusap ang aktres na huwag nang masyadong ilabas ang mga napagkuwentuhan namin dahil pareho na silang masaya ngayon sa kani-kanilang buhay ng kanyang nag-iisang dating pag-ibig.

Mapapanood ang gala night ng Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon sa Agosto 8, 9:00 pm sa Tanghalang Nicanor Abelardo Cultural Center of the Philippines.

Kasama rin sa pelikula sina Ryan Ronquillio, Jacqueline Cortez, Dunhill Banzon, Stanley Abuloc, at Che Ramos.

Ang Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon (Waiting for Sunset) ay inihahatid ng Cineko at CleverMinds Inc., kasama ng CMB Film Services at CG Post Production.

-Reggee Bonoan