Halos P7.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu at party drugs ang nasamsam sa tatlo umanong tulak sa buy-bust operation sa Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.
Inaresto ng anti-narcotics operatives ng Northern Police District (NPD) sina Hazel Grace Lanugan, 21; Rafael Tadoran, 21; at Warren Calicdan, 34, pawang taga-Quezon City.
Umamin ang mga suspek, na hindi kabilang sa drug watchlist, na nagsu-supply sila ng ilegal na droga sa Timog area sa Quezon City kung saan matatagpuan ang mga bar, ayon kay NPD director Chief Supt. Gregorio Lim.
Sa ulat na ipinarating kay National Capital Region Police Office director Chief Supt. Guillermo Eleazar, isinagawa ang buy-bust operation sa loob ng isang bahay sa Tomas Morato sa Barangay Obrero, dakong 9:30 ng gabi.
Sinabi ni Lima na nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng grupo, na pinamumunuan ni Senior Insp. Cecilio Tomas, hinggil sa umano’y illegal drug trade sa lugar.
Nakuha sa operasyon ang 2,756 piraso ng pills/tablet na pinaniniwalaang ecstacy, na nagkakahalaga ng P4,685,200; 48 piraso ng capsule na pinaniniwalaang ecstacy, na nagkakahalaga ng P620,000; aat 1,300 ml. ng hinihinalang liquid ecstacy na inilagay sa walong energy drink bottles, na nagkakahalaga ng P250,000; isang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na 100 gramo, P680,000; anim na litro ng hinihinalang liquid ecstacy, P1,200,000; at P3,000 buy-bust money.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.
-Kate Louise Javier at Jun Fabon