Mahigit 1,000 law at city ordinance violators ang inaresto sa Quezon City sa loob ng 24 oras, karamihan ay hinuli sa jaywalking.

Ayon kay Quezon City Police District Director (QCPD), Chief Supt. Joselito Esquivel, Jr., nasa 1,087 katao ang dinakma ng kanyang mga tauhan dahil sa umano’y paglabag sa ordinansa mula 5:00 ng madaling araw ng Agosto 1 hanggang 5:00 ng madaling araw ng Agosto 2.

Sa nasabing bilang, 831 ang hinuli sa jaywalking; 160 ang nanigarilyo sa pampublikong lugar.

Sa 12 istasyon ng QCPD, lumalabas na sa Batasan Police Station (PS-6) ang may pinakamaraming inaresto sa pagkakaroon ng 539 violators.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sakop ng PS-6 ang anim na barangay na binubuo ng Holy Spirit, Batasan Hills, Commonwealth, Payatas, Old Balara, at Bagong Silangan.

Inaresto ng mga tauhan ng PS-6 ang dalawang kataong uminom ng alak sa pampublikong lugar; 10 ang nanigarilyo; 518 sa jaywalking, at siyam sa curfew.

Ito ay sinundan ng Fairview Police Station (PS-5) na may 241 inaresto. Sa nasabing bilang, 84 ang nanigarilyo; 12 uminom ng alak sa pampublikong lugar; 14 ang nagkalat; 128 sa jaywalking, at tatlong lumabag sa curfew.

Sa Cubao Police Station (PS-7), arestado ang 133 violators; 11 paninigarilyo, 100 sajaywalking, tatlo uminom ng alak, 17 nagkalat, at dalawang lumabag sa curfew.

Samantala, 70 ang inaresto sa Project 4 Police Station (PS-8) habang 19 ang nalambat sa Eastwood Police Station (PS-12) dahil sa paninigarilyo, nakahubad baro, at jaywalking.

Umabot naman sa 31 ang dinakma sa Anonas Police Station (PS-9) dahil sa paninigarilyo, jaywalking, habang 17 ang nalambat sa Kamuning Police Station (PS-10) sa nasabi ring paglabag.

Umabot naman sa 29 ang hinuli ng mga tauhan ng Masambong Police Station (PS-2) dahil sa paninigarilyo at jaywalking, habang 13 ang lumabag sa curfew.

Pitong menor de edad naman ang inaresto ng Talipapa Police Station (PS-3) dahil sa paglabag sa curfew, habang isa ang inaresto ng La Loma Police Station (PS-1) dahil nakahubad baro.

-Alexandria San Juan