Binalaan ng Department of Transportation (DOTr) ang publiko sa posibilidad na makasuhan ang mga ito ng reckless driving at pagiging sagabal sa mga motorista sa paggawa ng viral na “In My Feelings” o “Kiki” challenge sa mga kalsada.
Sa inilabas na advisory nitong Martes, pinaalalahanan ng DOTr ang publiko na huhulihin ng mga awtoridad ang sinumang gagawa ng nasabing dance challenge sa mga pampublikong kalsada.
Bagamat hindi umano mapipigilan ang lahat, hindi hinihikayat ng DOTr ang publiko, lalo na ang mga motorista, na gawin ang usung-uso ngayong Kiki challenge, na maaari umanong humantong sa aksidente.
Ayon sa DOTr, ang mga kumakasa sa challenge ay kailangang bumaba sa sasakyan at habang mabagal na umuusad ang huli ay sasabayan ng bumaba ng sayaw sa saliw ng awiting “In My Feelings” ng Canadian rapper na si Drake. Sinabi ng kagawaran na ang nasabing gawain ay isang halimbawa ng reckless driving, at maaaring makumpiska ang lisensiya ng driver.
Inihayag din ng DOTr na ang paggamit ng cell phone o anumang video recording device habang nagmamaneho ay labag sa Republic Act 10913, o ang Anti-Distracted Driving Act (ADDA), at may multang P5,000-P15,000.
Ipinag-utos na ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hulihin ang sinumang gagawa ng Kiki challenge sa kalsada.
“That challenge is not allowed along the roads. It’ dangerous. Arrest those who will do the challenge on the streets. That is reckless driving and a violation of ADDA,” pahayag ni Tugade.
-Alexandria Dennise San Juan