MULI, ang Cebu ang siyangnangunguna sa pagsulat ng panibagong kasaysayan sa ating bansa. Mula kay Lapu-Lapu hanggang sa kasalukuyan, ay hindi nawala ang diskarte ng mga Cebuano lalo na sa larangan ng pulitika.
‘Di ba ito ang pulo na bumatingaw ng “Kita na Sad”o kung isasalin sa Tagalog ay “Tayo naman”. Ito ay bilang pagpapaalala sa mga Cebuano, na naninirahan sa Visayas o Mindanao, na matagal na silang napag-iiwanan ng mga taga-Luzon sa pagkakaroon ng mga senador, bise-presidente, at lalo, ay pangulo.
Bumulaga pa ang tinaguriang “Promdi” bilang pagbabadya, na hindi na talaga patas ang labanan sa pulitika dahil nga tinig ng mga Manileño at hindi ng mga probinsyano ang nagpapaimbabaw sa pambansang gobyerno.
Dahil sa naimpok ang pagkabigo ng mga Cebuano at Bisaya sa loob ng nakalipas na ilang dekada, marapat lamang na naging buhawi ang pagkakahalal ng isang katulad ni Pangulong Rodrigo Duterte. Mapalad ang lugar na kanyang pinagmulan. Sa una ay lumaki siya sa Cebu, at sa huli, naging taga-Mindanao pa. Wika nga ay “swak” talaga. Tulad ng kanyang ama, itinatadhana ng mga taga-Cebu ang paglunsad ng “signature campaign” upang makalikom ng isang milyong lagda upang ang isang katulad nila, na taga-Mindanao pa, ay maging pangunahing bandila nila sa Senado. Ito ay sa pamamagitan ni Davao Mayor Sarah “Inday” Duterte.
Napakasuwerte ng Cebu dahil umuugat ang pamilya ni Inday Sarah sa Danao City at Mindanao. Batid naman ng Inday Sarah Duterte for Senator Movement ang mga binitawang salita ni Pangulong Duterte hinggil sa hindi pagtakbo ng kanyang anak. Pasintabi po Mr. President, kung maaari ay pagbigyan niyo po ang nasabing grupo na magkaroon ng boses upang mamanhikan sa inyo sina Ian Hassamal, Jeffrey Ocampo, Alter Aricayos ng Isang Bansa, Isang Diwa, Isang Gawa, Cebu SK Barkadahan ng Kabataan ni Adam Hechanova, at iba pa, sa kanilang kahilingang lumusong sa Mataas na Kapulungan si Inday Sarah. Sana ay maunawaan ng Pangulo ang pagsusumamo ng karamihan, pati ng mga uusbong pang lupon, alyansa at tagataguyod ng kasalukuyang pamahalaan
-Erik Espina