CEBU CITY - Dead on the spot ang isang pulis-Cebu nang makipagbarilan umano ito sa bodyguard ng isang dating barangay chairman sa Cebu City, kahapon ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si PO3 Eugene Calumba, nakatalaga sa Parian Police Station sa Cebu.
Una nang naiulat na napatay si Calumba nang tangkain umanong tambangan si dating Barangay Tejero Chairman Jessie Cadungog sa T. Padilla Street, dakong 8:00 ng umaga.
Ayon kay Cadungog, kabababa lang niya sa kanyang Toyota FJ Cruiser, na minamaneho ng bodyguard niyang si alyas “Jun”, nang mangyari ang insidente.
Sinabi ni Cadungog na binabagtas nila ang nasabing kalsada nang bigla umanong sumulpot ang isang motorsiklo, lulan ang dalawang lalaki at bumunot umano ng baril ang angkas nito at sunud-sunod na pinaputukan ang kanyang sasakyan.
Bumaba sa sasakyan, inamin ni Jun na siya ang unang nagpaputok kay Calumba at sa kasama nitong si Michael Banua, makaraang makita niya umano ang pagbunot ng baril ng angkas sa motorsiklo.
Nauwi sa engkuwentro ang insidente at napatay si Calumba dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Pinabulaanan naman ni Police Regional Office (PRO)-7 Director Chief Supt. Debold Sinas ang alegasyon ni Cadungog at sinabing nagsasagawa ng surveillance sa barangay ang pulis dahil may utos na tugisin si Cadungog at ang bodyguard nito dahil sa pagkakasangkot umano sa ilegal na droga.
-Calvin D. Cordova