Nagkanya-kanyang diskarte uli ang mga motorista sa pagpapa-full tank sa kani-kanilang sasakyan kahapon ilang oras bago ipatupad ang panibagong oil price hike ngayong Martes.
Sa pangunguna ng Flying V, epektibo dakong 6:00 ng umaga ngayong Hulyo 31 ay nagtaas ito ng P1.15 sa kada litro ng gasolina, 95 sentimos sa diesel, at 85 sentimos sa kerosene.
Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis sa kahalintulad na dagdag-presyo sa petrolyo, kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.
Ang bagong price increase ay bunsod ng paggalaw sa presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Hulyo 24 nang sabay-sabay na nagbawas-presyo ang mga kumpanya ng langis ng P1.25 sa kerosene, P1.00 sa diesel, at 70 sentimos naman sa gasolina.
-Bella Gamotea