Plano ni Senator Antonio Trillanes IV na kasuhan ng plunder si dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo at ang mga kapatid nitong sina Ben at Erwin Tulfo, kaugnay ng kontrobersiyal na P60-milyon advertisement deal sa pagitan ng Department of Tourism (DoT) at ng PTV-4.

“I intend to file a plunder case against the Tulfo siblings in relation to the P60-M DoT ad controversy,” saad sa pahayag ni Trillanes kahapon.

Ito ang kinumpirma ni Trillanes kasunod ng pagtanggi ni Ben Tulfo na isauli sa gobyerno ang nasabing halaga, at hinamon ang mga detractors nito na kasuhan sila.

‘MAMUTI NA MGA MATA N’YO’

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

“Sa mga nagsasabing isauli ang pera at hinihintay daw ang P60 million, mamuti na mga mata n’yo! Wala kaming isasauli! Sa mga nagsasabing ilegal at nangulimbat kami, eh ‘di sampahan n’yo kami ng kaso, tutal nandiyan naman ang CoA (Commission on Audit) at Ombudsman!” saad sa Facebook post ni Ben Tulfo nitong Huwebes.

Iginiit ni Ben Tulfo na walang conflict of interest sa nasabing kasunduan, at sinabing tinupad ng kanilang media outfit, ang Bitag Media Unlimited—na producer ng block-timer kung saan inilagay ang ad placement ng DoT— ang napagkasunduan sa kontrata nila sa kagawaran.

“Anong isasauli? Maniningil pa nga kami dahil may utang pa sa amin ang principal na PTV-4 doon sa kanilang kliyente, ang DoT,” dagdag pa ni Tulfo.

Dahil dito, hinimok ni Trillanes na umaksiyon ang Senate Blue Ribbon Committee—na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon—sa usapin.

“I also call on the Senate Blue Ribbon Committee to act on my resolution calling for an inquiry into the matter so we could determine the magnitude of corruption, specifically, how much more of the people’s money was squandered by the previous DoT leadership,” ani Trillanes.

Mayo ngayong taon nang naghain ng resolusyon si Trillanes upang paimbestigahan sa Senate Committee on Tourism ni Sen. Nancy Binay ang nasabing kontrobersiya sa DoT. Kalaunan, inilipat sa Blue Ribbon panela ang resolusyon. Naghain din ng kaparehong panukala si Binay.

MANANAGOT LAHAT

Matatandaang napilitang magbitiw sa puwesto si Teo dahil sa nasabing kontrobersiya. Kasunod nito, inihayag ng abogado niyang si Atty. Ferdinand Topacio na isasauli ng magkakapatid na Tulfo ang P60 milyon.

Kaugnay nito, inihayag kahapon ng Malacañang na ipinauubaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte na umusad ang prosesong legal sa usapin.

“Since Ben said, hindi na sila magbabalik, [then] so be it,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque. “Ang huling deklarasyon po ng Presidente d’yan, and I asked him explicitly, is we will let the legal process proceed. Let the legal process proceed. Let those liable be held responsible.”

Lumutang din ang mga espekulasyon na may ilang opisyal ng gobyerno ang nakinabang din umano sa nasabing kasunduan, at sinabi ni Roque na papanagutin ang lahat ng may sala.

“Dapat po lahat ‘yung binigyan ng cut mapasama sa demanda. Sino ba ho ‘yan? Well, kung sino man po lahat ‘yan, ilabas po ang pangalan, and I’m sure dapat po maimbestigahan sila,” ani Roque.

-VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at LEONEL M. ABASOLA, ulat ni Argyll Cyrus Geducos