BAGAMAT kaibigan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Chinese President Xi Jinping, itinuturing din ng ating Pangulo na “kaibigan” si US President Donald Trump. Ayon kay Mano Digong, nais niyang paunlakan ang imbitasyon ni Trump na magtungo sa US at nang sila’y magkausap at magkape.
Gayunman, hanggang ngayon ay hindi siya makasagot sa Presidente ng US dahil aminado siyang ang mahabang biyahe (mahigit sa 13 oras) ay hindi na kaya ng kanyang 73-anyos na katawan. Kung ang biyahe raw ay isang regional flight na puwede siyang dumating at umalis agad, maaari niyang paunlakan ang Trump invitation sa Washington DC. Hindi na raw siya bata pa.
May mga report na inaayos ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng US officials ang pulong nina PRRD at Trump sa Washington DC. Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, inaayos ni Ambassador Jose Manuel Romualdez ang state visit ng Pangulo sa US, at kinukumbinsi ang Presidente na tanggapin ang anyaya ng US president.
Nananatiling “good” ang public satisfaction rating ni Vice President Leni Robredo sa second quarter ng 2018, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS). Sa ginawang survey ng SWS noong Hunyo 27-30, lumabas na 54% ang nasisiyahan sa kanyang performance samantalang 22% ang dissatisfied, na nagresulta sa satisfaction score na +32% o “good”.
Inilarawan ni PRRD si SC Associate Justice Samuel Martirez na hinirang niya bilang bagong Ombudsman kapalit ni ex-Ombudsman Conchita Carpio-Morales, bilang isang matalino, “istrikto at fair man”. Nilinaw ng Pangulo na matapos niyang italaga si Martirez, wala na siyang kapangyarihan upang ito ay atasan o pasunurin. Ang tanggapan ni Martirez ay isang constitutional body na hindi panghihimasukan ng Ehekutibo. Ang sabi lang daw niya kay Martirez: “Do what is right.”
Sabi ng kaibigan ko: “Kung hindi niya kagalit ang puno nito, tiyak hindi panghihimasukan.Tingnan ang nangyari kay Ma. Lourdes Sereno, puno siya ng hiwalay at malaya ring constitutional body (Supreme Court), pero malaki ang naging impluwensiya niya upang ma-quo warranto ito at mapatalsik sa puwesto. Kasi galit siya kay Sereno. Ganito rin ang nangyari kay Senator Leila de Lima, miyembro ito ng Senado, hiwalay na sangay ng gobyerno, pero nagawang ipabilanggo.”
Para kay dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, chairman ng Consultative Committee (ConCom) na gumawa ng draft sa pagbabago ng Constitution, lubhang mahalaga ang anti-dynasty provision sa pederalismo.
Iuurong daw niya ang suporta sa pederalismo kapag inalis ng Kongreso ang ganitong probisyon. Hindi raw siya sigurado kung pagtitibayin ng Kongreso ang isinumite nilang draft charter, pero iginiit na dapat ay hindi alisin ang anti-dynasty roon.
Anyway, mismong ang mga senador ang nagsasabi na hindi nila prioridad ang Charter Change o pagbabago sa Saligang-Batas dahil maraming problema ang bansa at ang mga Pilipino, at ito ang dapat unahin at pagtuunan ng pansin ng gobyerno.
-Bert de Guzman