HANGGANG ngayon ay itinatanggi ng Malacañang na “may kamay” ito sa pagpapatalsik kay ex-Speaker Pantaleon Alvarez na nakudeta ng grupo ni Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) noong Hulyo 23, mismong araw ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Mula sa kanyang kulungan sa Camp Crame, nag-isyu ng maanghang na pahayag si Senator Leila de Lima nang sabihin niyang ang pinakamalaking nagawa o achievement ni PRRD sa SONA ay ang pagluluklok sa dating pangulo bilang bagong Speaker ng House of Representatives.
Nasa huling termino na si GMA bilang Kinatawan ng Pampanga kaya kung hindi magkakaroon ng Charter Change (Cha-Cha) upang maging sistemang pederal ang gobyerno, siya ay hanggang sa Hunyo 30, 2019 na lamang. Gayunman, maaari naman siyang tumakbo bilang gobernadora ng Pampanga. Tandaan, si GMA ay sanay sa paggawa ng kasaysayan.
Sa balita noong Huwebes, lumalabas na wala, kahit isang senador, na gustong mag-sponsor ng TRAIN 2 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law. Hanggang ngayon daw ay “traumatized” ang mga senador sa mga epekto ng TRAIN 1 na ipinasa ng Kongreso noong nakaraang taon. Gusto ni PDu30 na ipasa ito ng Kongreso.
Nang dahil sa TRAIN, tumaas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Lalong nakuba sa hirap ang mga mahihirap at ang mga “nasa laylayan ng lipunan”. Nagrereklamo ang mga ordinaryong manggagawa o ang minimum wage earner sapagkat bukod sa pagtaas ng presyo ng basic goods, tumaas din ang pasahe.
Sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na sa caucus ng mga senador noong Martes, nagtanong si Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate committee on ways and means, kung mayroon sa kanila ang nais magtaguyod ng TRAIN 2 at idepensa ito. “There were no takers who would want to sponsor TRAIN 2”.
Nagretiro na si Ombudsman Conchita Carpio-Morales noong Hulyo 26. Siya ang babaeng may “balls” na hindi nasindak ni Mano Digong at ng kanyang mga kaalyado. Kung may mga kongresista, senador at pinunong-bayan na nanginginig sa takot sa Pangulo, kaiba si Conchita Carpio-Morales, nanatili siyang matatag at nakasandal sa batas.
Sa lehislatura, partikular sa House of Representatives, ay may bago nang lider sa katauhan ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo. Sa Office of the Ombudsman, may bago na ring hepe, siya ay si Supreme Court Associate Justice Samuel Martirez.
Ang bakante pa hanggang ngayon (habang sinusulat ko ito) ay ang posisyon ng Chief Justice ng Korte Suprema matapos sipain si Ma. Lourdes Sereno ng mga kapwa niya Mahistrado sa pamamagitan ng quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida.
-Bert de Guzman