Asahan ang matinding trapiko sa mga lansangan sa Metro Manila dahil sa isinasagawang road reblocking at repairs ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong weekend.
Sa abiso ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dakong 11:00 ng gabi nitong Biyernes sinimulan ang pagkukumpuni sa EDSA southbound sa harapan ng Francesca Tower hanggang sa makalampas ng Scout Borromeo (third lane buhat sa center island), at northbound EDSA Vertis North hanggang Trinoma Mall (2nd lane mula sa sidewalk); Congressional Avenue, bago ang kanto ng Jupiter Street (1st lane); Fairview Avenue, mula sa Mindanao Avenue Extension hanggang Jordan Plains Subd.; Jordan Plains Subd. hanggang Mindanao Avenue Extension (3rd lane); at Batasan Road, Commonwealth hanggang sa Kalinisan Street (1st lane).
Ang lahat ng kinukumpuning kalsada ay bubuksan sa mga motorista bandang 5:00 ng umaga sa Lunes, Hulyo 30.
Samantala, magsasagawa ang Manila Water Co. Inc. ng pavement restoration at isang lane ang isasara sa C-5 Road southbound bago ang Lanuza Avenue intersection sa harapan ng Arcovia City, simula 10:00 ng gabi nitong Biyernes hanggang 4:00 ng umaga ng Lunes; at simula 10:00 ng gabi ng Agosto 3 (Biyernes) hanggang 4:00 ng umaga ng Agosto 6 (Lunes).
Pinaalalahanan any mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta upang hindi maabala.
-Bella Gamotea