NAKAKUKULILI na sa ating pandinig ang pamamayagpag ng mga rice cartel na sinasabing pasimuno sa paglikha ng artificial rice shortage sa bansa. Mismong si Pangulong Duterte ang tandisang nagpahiwatig sa masalimuot na isyu hinggil sa rice hoarding o pag-iimbak ng bigas sa mga dambuhalang bodega na pag-aari ng malalaking negosyante na umano’y nasa likod ng pagsabotahe sa ekonomiya.

Gusto kong maniwala na ang mga utak ng mapaminsalang rice cartel ay kinukunsinti ng awtoridad kahit na ang estratehiya ng kanilang pagnenegosyo ay maituturing na economic sabotage. Bakit ang kanilang mga bodega sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na sa Metro Manila, ay hindi man lang yata hinahalughog? Bakit hindi man lang yata sila inihahabla ng rice hoarding at economic sabotage? Mistulang sumuko kaya ang administrasyon sa gayong mapagsamantalang sistema ng pagnenegosyo? Kabi-kabila ang matitinding babala laban sa rice cartel, subalit nakapanlulumong mabatid na hanggang ngayon ay tila sila pa rin ang patuloy na naghahari sa mga pamilihan.

Maging ang Kongreso -- Senado at Kamara -- ay hindi rin nagsawa sa pagbubunsod ng mga public hearing laban sa rice cartel. Ang committee on agriculture sa Senado, halimbawa, ay noon pang 2014 nagsimulang magpatawag ng pinaghihinalaang mga utak ng rice cartel at rice hoarding. Halos pagsigawan nila ang inanyayahan nilang mga resource persons sa adhikaing malantad ang katotohanan sa pagsasamantala ng nabanggit na mga negosyante. Hindi ko matiyak kung nagkaroon man lamang ng mga rekomendasyon upang kasuhan ang nabanggit na mga komersyante.

Masyadong matindi na ang pinsalang nililikha ng rice cartel sa mga mamamayan, lalo na sa mga nagdarahop na mga pamilya. Halos hindi sila makabili ng murang bigas dahil nga sa artificial rice shortage na nililikha ng mga pasimuno sa hindi makataong pag-iimbak ng bigas. Dahil dito, napipilitan ang gobyerno na umangkat ng bigas na ang presyo ay hindi matugunan ng ating karaniwang kababayan.

Hindi malayo na ang mga pasimuno sa rice cartel ay kasabwat naman ng mga rice trader na ang ilan ay kumakawawa sa ating mga magsasaka. Sila ang nagpapautang sa mga magbubukid. Pagkatapos ng anihan, halos wala nang matira sa mga magsasaka dahil sa malaking patubo o profit. At hindi malayo na ang binibili nilang palay ay idinadala sa mga bodega ng mga utak ng rice cartel.

Ang patuloy na pamamayagpag ng rice cartel, kung hindi maaaksiyunan ng pamahalaan, ay magdudulot ng ibayong pahirap sa sambayanan, lalo na sa mga magsasaka -- ang susi sa pagkakaroon ng sapat na pagkain.

-Celo Lagmay