Maaaring matapang siya sa mga sangkot sa ilegal na droga, sa mga corrupt na opisyal, at sa kanyang mga kritiko, ngunit handa si Pangulong Duterte na magpatalo sa kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Pinili ng Pangulo na hindi makipagtalo sa kanyang anak na “maldita”, at inaming kailanman ay hindi siya mananalo rito.

“Mga taga-Davao reklamo kang Inday. Si Inday, di man pud nako ma—maldita man gud. Mutubag unya mag-away na hinuon. Kahibaw kitang mga amahan, di man gyud ta makig-away og anak na babae. Hindi tayo manalo [Inirereklamo ng mga Davaoeño si Inday. Pero ako mismo—masyadong maldita si Inday. Nangangatwiran siya at lumalaban talaga. Tayong mga ama, hindi natin magawang makipag-away sa ating mga anak na babae kasi hindi tayo mananalo sa kanila,” sinabi ni Duterte nang bumisita sa Zamboanga Sibugay nitong Huwebes.

“You cannot win an argument especially with a daughter because yawyawan ka pa [bubungangaan ka niya] and you cannot answer back because (she’s your) daughter,” dagdag niya.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sinabi ni Duterte na ang pagiging istrikto ni Sara ay ramdam sa pagiging alkalde nito. Ayon sa Pangulo, mahigpit si Sara sa pagpapatupad ng curfew at sa pagbabawal na manigarilyo sa lungsod kaya ‘tila araw-araw ay Biyernes Santo sa Davao City.

“Usahay nasobrahan pud nuon ni Inday. Oo. Kuan man ang mga tao, luya [Minsan, sobra nang istrikto si Inday. Hindi na nakakapagsaya ang mga tao],” aniya.

“Kay si Inday pagka alas dose, wa na’y magsuroy sa dalan. ‘Di gani ka kasuroy manigarilyo. Dakop tanan. So naa ang tanan sa sulod sa balay. Pirting mingawa ang Davao. Kada adlaw Biyernes Santo [Dahil bawal kay Inday na may tao pa sa labas ng bahay ng 12:00 midnight. Hindi ka man lang makalabas ng bahay para magyosi. Lahat aarestuhin. Masyadong tahimik sa Davao. Araw-araw parang Biyernes Santo dun],” pahayag ng Pangulo.

Kamakailan ay iniugnay si Inday Sara sa pagpapatalsik ng mga kongresista kay Speaker Pantaleon Alvarez, na pinalitan ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Una rito, naisapubliko ang pag-aaway nina Inday at Alvarez dahil sa pagkuwestiyon ng huli sa partidong itinatag ng alkalde sa Davao.

-Genalyn D. Kabiling