INIUTOS ng International Boxing Federation (IBF) ang sagupaan nina No. 1 contender Felix Alvarado ng Nicaragua at No. 3 ranked Randy Petalcorin para sa bakanteng IBF light flyweight belt.
Nagpasya ang dating kampeon na si Hekkie Budler ng South Africa na bitiwan ang IBF title nang maliitan sa premyo sa naganap na purse bid.
Nakuha ni Budler ang IBF title nang talunin niya sa puntos ang dating kampeong si Ryoichi Taguchi noong nakaraang Mayo 20 sa Ota-City Gymnasium sa Tokyo, Japan.
Makikipag-ugnayan ang Sanman Boxing Gym na may hawak kay Petalcorin para makasagupa nito ang knockout artist na si Alvarado na may 33 panalo, 2 talo na may 29 pagwawagi sa knockouts.
Maganda rin ang kartada ni Petalcorin na 29-2-1 na may 22 panalo sa knockouts.
“I will be ready for this fight. I know Alvarado is a big puncher but I am ready for any challenge in my bid to become a world champion again,” pahayag ni Petalcorin sa Philboxing.com.
Naging interim WBA light flyweight champion ang 26-anyos na si Petalcorin nang patulugin si four-time world tile challenger Walter Tello ng Panama sa 6th round noong 2014 sa Shanghai, China.
-Gilbert Espeña