HINDI mahirap unawain ang pormal na pagtanggi ni Acting Supreme Court Chief Justice Antonio T. Carpio sa mandatory nomination bilang Punong Mahistrado; bilang kahalili ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na pinatalsik sa pamamagitan ng quo warranto case laban sa kanya na isinampa ng Solicitor General.
Naniniwala ako na ang paninindigan ni Carpio ay nakaangkla sa tunay na diwa ng delicadeza o paggalang sa sarili na bihirang isapuso at isadiwa ng iba pa nating mga lingkod ng bayan. Isipin na lamang na walang kagatul-gatol na ipinahiwatig ng Acting Chief Justice: “I have to be consistent with my position that the quo warranto is not a proper way to remove a sitting member of the court (Supreme Court). I don’t want to benefit from the decision to which I disagreed. But I will have to implement it because I’m the temporary head of the institution.”
Hindi ko ipinagtaka ang tandisang pagtanggi ni Carpio sa nominasyon bilang Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman; sa kabila ito ng mga panghihikayat ng iba’t ibang sektor ng mga propesyunal, lalo na ng kapuwa niya mga abogado. Pinanatili niya ang pagiging isang maginoo at may matayog na paggalang sa sarili. Maaaring hindi siya katulad ng iba na sunggab na lamang nang sunggab sa anumang pagkakataon nang hindi man lamang dinadama ang tunay na katuturan ng delicadeza.
Sa aking pagkakatanda, dalawang pagkakataon na siya ay nalaktawan (by-passed) sa pagiging SC Chief Justice. Gayunman, tila nanatili siyang tahimik sa kabila ng kanyang pagiging ‘most senior’ sa mga hinirang sa naturang puwesto.
Natitiyak ko na ang gayong katangian ni Carpio ay nananatiling nakakintal sa kanyang kaisipan sa lahat ng pagkakataon. Hindi marahil isang kalabisan na bigyang-diin ang kanyang katapatan sa tungkulin nang idulog ko sa kanya ang isang problema ng National Press Club (NPC). Ibinatay niya sa angkop na proseso at walang pag-aalinlangan ang kanyang aksiyon – patunay ng malinis at matuwid na pamamahala nang siya ay bahagi pa ng administrasyon nina dating Pangulong Cory Aquino at Fidel Ramos.
Ang gayong mga katangian ni Carpio ang marapat taglayin ng iba pang naghahangad maglingkod sa gobyerno – at ng mismong mga bahagi na ng kasalukuyang burukrasya – bilang patunay ng matayog na paggalang sa sarili o delicadeza.
-Celo Lagmay