KASUNOD ng karumal-dumal na pagpaslang kamakailan sa isa na namang kapatid sa pamamahayag -- si Joey Llana ng DWZR-AM sa Daraga, Albay -- kagyat na namang sumagi sa aking kamalayan ang nakasasawa at de-kahong reaksiyon ng mga awtoridad: We strongly condemn the killing of the radio reporter as yet another infringement on the rights to life and a free press. Kabuntot ng isa pang paniniyak na mabibigyan ng katarungan ang naturang biktima ng walang-habas na pagpatay sa mga miyembro ng media.
Gusto kong maniwala na ang gayong mga reaksiyon at mga pangako ay maituturing na pampalubag-loob hindi lamang sa pamilya ng mga biktima ng media killings kundi sa mismong mga print at broadcast journalists na tumutupad lamang ng kanilang makabayang misyon. Tila nililibang lamang tayo ng mga pangako na matatamo ang mailap na hustisya. Hanggang sa mga oras na ito, wala pa akong natatandaang extra-judicial killing sa media na nalapatan ng angkop na katarungan.
Sa kabila ng naturang nakasasawang reaksiyon, lalo nating dapat paigtingin ang mga panawagan hinggil sa pangangalaga sa seguridad ng ating mga kapatid sa propesyon. Naging bahagi ng mga karanasan na kaagad nating idinudulog sa mga may kapangyarihan ang pagmamalupit, pananakit at paglabag sa karapatan sa pamamahayag ng sinumang miyembro ng tinatawag na Fourth Estate. Hindi iilan ang gayong mga pangyayari, kabilang na ang mga pagpaslang, ang naganap sa panahon ng ating pamumuno sa pahayagang ito; isang reporter natin ang pinatay sa Sta. Cruz, Laguna sa hindi malinaw na dahilan; hindi man lang yata tinugis ng mga awtoridad ang mga salarin.
Katakut-takot din ang gayong nakadidismayang mga insidente ang nangyari sa ating pamumuno sa National Press Club (NPC), at hanggang sa natapos ang ating panunungkulan. Maraming pagkakataon na wala na tayong inatupag kundi makipaglamay at makidalamhati sa pamilya ng pinaslang nating kapuwa mamamahayag. Bigla kong naalala ang nakakikilabot na pagpatay sa ating kapatid sa media na si Bubby Dacer may ilang taon na rin ang nakalilipas; pinaslang na siya, ay sinunog pa sa isang bayan sa Cavite. Natitiyak ko na marami pang ganitong malagim na eksena ang hindi nalalapatan ng katarungan.
Mananatiling nagbibiling-baligtad sa kani-kanilang mga libingan ang ating mga kapatid sa hanapbuhay kung pagkondena at pawang nakasasawa at de-kahong reaksiyon lamang ang maipagkakaloob na panaklolo ng mga awtoridad sa mga biktima ng media killings.
-Celo Lagmay