HINDI ko ikinagulat ang marubdob na hangarin ni Pangulong Duterte na wakasan ang ‘5-6’ dahil sa kanyang pagmamalasakit sa ating maralitang mga kababayan na malimit maging biktima ng sinasabing mapanlamang na pagpapautang. Ang ‘5-6’ ang tinaguriang money lending scheme na nagpapataw ng labis na patubo o interes sa kanilang ipinauutang sa mga komersyante, lalo na sa mga nagmamay-ari ng maliliit na sari-sari stores.
Sa biglang tingin, makapanindig-balahibo ang pahiwatig ng Pangulo: “Ang gusto ko talagang patayin itong ‘5-6’. That is my burning desire. Either to stop the ‘5-6’ or I will stop the collectors”.
Hindi ako naniniwala na talagang uutasin ng Pangulo ang mga nahirati na sa gayong sistema ng pagpapautang. Maaaring naging bukam-bibig lamang niya ang gayong pahayag, tulad ng kanyang mga babala sa mga sugapa sa ilegal na droga na hanggang ngayon ay ayaw bumitiw sa naturang kasumpa-sumpang bisyo. Natitiyak ko na nais lamang niyang masugpo ang nabanggit na sistema ng pagpapautang tulad ng kanyang ginawa nang siya ay Alkalde pa ng Davao City.
Bagama’t hindi tinukoy ng Pangulo ang grupo ng mga tinaguriang ‘userer’, natitiyak ko na iyon ay kinabibilangan ng ilang sektor ng mga dayuhan – at ng mismong mga kababayan natin – na walang inaalagata kundi kumita ng malaking pakinabang sa pamamgitan ng labis na pagpapatubo sa kanilang ipinauutang. May mga pagkakataon na ang mga ito ay hindi lamang nagpapautang ng salapi kundi nagbebenta pa ng iba’t ibang appliances o mga kagamitan sa bahay sa pamamagitan ng sistemang hulugan. Kapag pumalya tayo sa pagbabayad, walang pakundangang hahatakin ang naturang mga kagamitan – isang sistema upang lalong madagdagan ang kanilang pinagkakakitaan; sa kapinsalaan ito, mangyari pa, ng kanilang mga pinauutang.
Ang ganitong mapanlamang na debt trap ay talamak din sa mga magsasaka na pinagsasamantalahan naman ng ilang komersyante o middlemen na nahirati na rin sa mistulang pang-aapi sa mga magbubukid. Ang mga ito ay nagkukusa at halos namimilit pang magpautang ng mga abono at iba pang pangangailangan ng mga magsasaka. Pagkatapos ng anihan, halos walang matira sa kanilang inani at napupunta lamang sa mga komersyante na nagpataw rin ng labis na patubo. Muling tutunganga ang mga magsasaka hanggang sa susunod na sakahan upang magdusa lamang sa naturang mapanlamang na pagpapautang.
Ano kaya ang plano ng Pangulo sa paglutas ng gayong problema?
-Celo Lagmay