Lilipad ngayong araw si Pangulong Duterte patungong Malaysia, upang panoorin ang laban ni Senador Manny Pacquiao at makipagkita sa bagong Prime Minister na si Mahathir Mohamad.
Aalis ang Pangulo upang mahabol ang laban ni Pacquiao at ang Argentine na si Lucas Matthyse, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Sa Lunes ng hapon, makikipagkita si Duterte kay Mahathir. Pag-uusapan nila ang insurgency at terorismo, sabi ni Roque.
Pagkatapos ng pagpupulong, babalik ang Pangulo sa Pilipinas.
Nauna nang binati ni Duterte si Mahathir sa kanyang pagkahirang bilang prime minister at nangakong mananatiling kakampi ng Malaysia ang Pilipinas sa pakikipaglaban sa terorismo at pamimirata.
Inanyayahan din ng Pangulo si Mohamad na ibalik ang joint consultative meeting sa pagitan ng kanilang mga bansa at nagpasalamat sa pag-aruga sa mga Pilipino na nasa Malaysia.
Sa halalan noong Mayo, tinalo ni Mahathir ang dati niyang tagataguyod na si Najib Razak.
Bago nagretiro, si Mahathir ang may pinakamahabang termino bilang prime minister ng Malaysia. Nanilbihan siya mula Hulyo 1981 hanggang Oktubre 2003.
Sa edad na 92, siya rin ngayon ang pinakamatandang pinuno ng gobyerno sa mundo.
Sinabi ni Duterte na hindi siya nasorpresa sa muling paghalal kay Mahathir bilang prime minister, dahil mahal siya ng mga tao. Sa kanyang 22-taong pangangasiwa, isa ang Malaysia sa mga pinakaprogesibong bansa sa mundo.
-Argyll Cyrus B. Geducos