SA pagkakalagda ni Pangulong Duterte sa Anti-hazing Law, natitiyak kong matatauhan na ang mga miyembro ng fraternity sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa bansa; magigising sila sa katotohanan
na ang pagiging makatao ang pinakamakatuturang paraan ng pagpapalawak ng kapatiran o brotherhood. Lalo na ngayon na binigatan ang parusa – reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo – sa mga lalabag sa naturang batas.
Hindi miminsang ginulantang tayo ng mga ulat hinggil sa pagkamatay ng isang neophyte dahil sa makahayop na initiation rites na isinasagawa ng tinatawag na mga ‘masters’ sa mga fraternity. Ang isang neophyte ay hindi maituturing na regular frat members kung hindi sila isasailalim sa katakut-takot na pahirap – pagagapangin, papaluin ng sagwan at kung anu-ano pang paraan ng barbaric system ng pagpaparusa hanggang sa maglupasay na lamang. Hindi iilan ang binawian ng buhay sa gayong makademonyong kalupitan; ang mga biktima ay patuloy pang umaasam ng katarungan; patuloy na nagbibiling-baligtad sa kani-kanilang mga libingan.
Ang nabanggit na nilagdaang batas, sa aking pagkaunawa, ay mistulang dagdag na ngipin, wika nga, sa umiiral na Anti-hazing Law. Hindi lamang binigatan ang parusa kundi pinalawak pa ang sakop ng mga dapat managot sa makahayop na initiation rites. Tama lamang na ang mga opisyal ng mga unibersidad na kinaroroonan ng mga fraternity ay papanagutin sa anumang paglabag sa naturang batas. Gayundin ang mga local government officials (LGUs) at mga pribadong mamamayan na nakasasakop sa mga lugar na pinagdausan ng initiation rites.
Sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng nasabing batas, hindi kumukupas ang aking paninindigan na marapat nang ipagbawal ang mga fraternity sa mga paaralan. Bagamat naging aktibo rin akong miyembro ng isang fraternity nang ako ay nasa kolehiyo pa, naniniwala ako na ang pagkakapatiran ay higit na matatamo at mapalalawak sa pamamagitan ng mabuting pakikipagkapuwa-tao.
Nakalulungkot na ang ilang fraternity o ang mga miyembro nito ay nagiging kasangkapan ng mga kabulastugan. Hinihirang ng isang appointing authority, halimbawa, ang kanyang frat brother sa isang mataas na puwesto sa gobyerno at maging sa pribadong organisasyon. Ang ganitong sistema na nagbubunga ng mga alingasngas ay sumisira sa administrasyon. Mabuti na lamang at si Pangulong Duterte ay walang sinasantong mga kaalyado at kaagad sinisibak ang mga ito kahit na ang kanyang mismong mga frat brod.
Isa lamang ito sa mga dahilan kaya dapat nang ipagbawal ang mga fraternity, lalo na ang mga kapatirang nakamamatay.
-Celo Lagmay