NATITIYAK ko na walang hindi natutuwa sa ceasefire na napagkasunduan nina Pangulong Duterte at Archbishop Romulo Valles, Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) hinggil sa pagtigil sa pagpapalabas ng mga pahayag na may kaugnayan sa Simbahan; layunin nito na pahupain ang tensiyon na bunsod ng kontrobersyal na patutsada ng Pangulo tungkol sa Diyos.
Mawalang-galang na sa nabanggit na mga lider ng magkabilang panig, gusto kong maniwala na ang napagkasunduang ceasefire ay maituturing na band-aid solution lamang sa pagpapatigil ng iringan ng administrasyon at ng Simbahan. Bagama’t itinatadhana ng Konstitusyon ang simulaing ‘separation of Church and State’, karapatan ng sinumang Pilipino ang magpahayag ng kanilang saloobin at pananaw sa anumang isyu na nais nilang panindigan o ipagtanggol. Ang tinatawag ng freedom of speech and of expression ay marapat lamang tamasahin ng lahat.
Nangangahulugan na hindi malayong labagin ng mga kinauukulan ang napagkasunduang ceasefire; hindi malayo na ito ay matulad sa tigil-putukan na isinusulong ng gobyerno at ng mga rebelde. Hindi ba ang gayong kasunduan ay patuloy namang nilalabag ng magkabilang panig na humahantong sa pagdanak ng dugo na mga nagsasagupang mga kapuwa mga Pilipino?
Sa nakalipas na paulit-ulit na patutsada ng Pangulo sa Simbahang Katoliko, hindi ako makapaniwala na may mararating ang napagkasunduang ceasefire. Tila nakatanim na sa kanyang isip na ang mangilan-ngilang alagad ng Simbahan ay waring nakalilimot sa pagtupad ng kanilang banal na misyon. Maaaring laging nakaukit sa kanyang utak ang umano’y pananampalasan sa kanya ng isang paring Heswita. Dahilan marahil ito kung bakit hindi niya kakailanganin ang seremonya ng pari kapag siya ay namatay.
Malakas ang aking kutob na maging ang ilang alagad ng simbahan ay hindi ganap na makasusunod sa naturang ceasefire. Sa nakaraang pakikinig ko sa TV mass, nagiging bahagi ng mga homily o sermon ang pagtuligsa sa kampanya ng administrasyon sa illegal drugs; halos ipagsigawan ang inaakala nilang extra-judicial killings (EJK) sa umano’y nanlalabang mga drug suspects.
Bilang bahagi ng ceasefire, marapat na lamang na ituon ng mga alagad ng Simbahan ang pagpapalaganap ng mga utos ng Diyos; kaakibat ito ng pagpapahalaga sa mabuting pakikipagkapuwa-tao.
Pagpapaigting sa mga kaunlarang pangkabuhayan at paglikha ng marangal at malinis na gobyerno ang dapat atupagin ng administrasyon kasabay ng ceasefire
-Celo Lagmay