Pinasalamatan kahapon ng Department of Foreign Affairs ang mga awtoridad ng Iraq sa mabilis at matagumpay na pagsagip sa dalawang Pilipina na dinukot nitong nakaraang araw.

Ayon sa DFA, inimpormahan ng Iraqi authorities ang Philippine Embassy sa Baghdad nitong Linggo na nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang Pinay matapos silang mabawi sa Diyala Province sa hilaga ng kabisera isang araw simula ng insidente.

Sa kanyang ulat sa home office, sinabi ni Chargé d’Affaires Julius Torres na inimpormahan sila ng mga awtoridad sa Diyala Province na nabawi ang dalawa mula sa mga miyembro ng isang grupo ng mga kriminal na sapilitang tumangay sa kanila noong Biyernes.

Ayon sa Iraqi authorities na ilang miyembro ng grupo ang naaresto sa police rescue operation at inihahanda na ang kaso laban sa mga ito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Torres na hiniling nila sa Iraqi authorities na makita ang dalawang babae at dalawa pang Pinay na naunang iniulat na nakatakas sa mga armadong kidnapper at nasa kustodiya ng pulisya.

Batay sa mga naunang ulat, nagmula ang apat na Pinay sa Erbil sa hilagang Kurdistan Region at patungo sa Baghdad nang harangin ng mga armadong lalaki ang kanilang sasakyan sa highway sa Uzem District sa pagitan ng Kirkuk at Diyala.

Tinangay ng mga armadong lalaki ang apat na babae matapos tumakas ang kanilang driver. Gayunman, nagawang makatakas ng dalawang Pinay.

Sinabi ng Filipino diplomat na hihilingin nila ang kustodiya ng apat na babae kapag natapos na ang imbestigasyon ng pulisya para kaagad na mapauwi ang mga ito.

DASAL

Nananalangin naman ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People para sa kaligtasan ng tatlo pang Pinoy na dinukot sa Libya.

“We, at CBCP ECMI, will continue to pray and offer holy masses for their safety and freedom,” saad sa pahayag ni ECMI Chairman at Balanga Bishop Ruperto Santos.

Sinabi ng obispo na ipinagdarasal din nila ang pagbabago ng puso ng mga kidnapper para palayain ng mga ito ang mga Pinoy nang ligtas at hindi sinasaktan.

“May they realise that thru God’s mercy and power, they and Filipinos are peace loving people,” ani Santos.

“They come, migrate to other countries with sole intention to help-their employers and their loved ones whom they left behind. They come, migrate to serve, to make lives of all better, especially in those hospitals they minister to,” aniya pa.

Sinabi ng Department of Foreign Affairs na tatlo pang Pinoy ang tinangay ng mga armadong lalaki sa hiwalay na insidente sa Libya nitong Biyernes.

-ROY C. MABASA at LESLIE ANN G. AQUINO