NGAYONG Hunyo 30, manunumpa ang mga bago at muling nahalal na mga opisyal ng barangay sa iba’t ibang bayan sa Rizal. Ang panunumpa sa tungkulin ay gaganapin sa napiling lugar. Ang Rizal ay binubuo ng 188 barangay. Ang Binangonan, na pinakamalaking bayan sa Rizal, ay binubuo ng 40 barangay. May 23 barangay sa kabayanan at 17 naman sa Talim Island. Pangalawa sa pinakamalaking bayan sa Rizal ang Tanay. Ito ay binubuo ng 19 na barangay. Sa bayan ay may 9 na barangay at 10 mountain barangay. Pinakamalayo ang Barangay Sta. Ines na nasa boundary na ng Rizal at Quezon.
Sa Binangonan, ang mga nahalal at muling naluklok na opisyal ng barangay ay manunumpa sa Casimiro Ynares Gymnasium. Isang maikling programa ang gagawin. Susundan ito ng panunumpa ng 40 kapitan ng barangay at ng mga kagawad. Ang kanilang inducting officer ay si Binangonan Mayor Cesar Ynares. Tampok na mga panauhin sa mass oath taking sina Rizal Gov. Nini Ynares at Rep. Jack Duavit, ng unang distrito ng Rizal. Magiging panauhin din ang mga miyembro ng Sanggunian Bayan ng Binangonan, sa pangunguna ni Vice Mayor Boyet Ynares.
Kung ang panunumpa ng mga opisyal ng barangay sa Rizal ay itinakda ngayong Hunyo 30, may mga opisyal naman ng barangay na maagang nanumpa sa kani-kanilang tungkulin. Sa Antipolo City, nanumpa sa tungkulin ang mga opisyal nitong Hunyo 25, 2018. Ang panunumpa ay isinagawa sa flag raising ceremony. Ang kanilang inducting officer ay si Antipolo City Mayor Jun Ynares.
Ang mga kapitan at kagawad mula sa sampung barangay ng Angono, Rizal ay nanumpa naman nitong Hunyo 26, 2018. Ang oath taking ay ginanap sa Rizal Provincial Capitol at ang kanilang inducting officer ay si Rizal Gov. Nini Ynares. Ang Angono ay binubuo ng sampung barangay. Siyam sa kabayanan at isa ang mountain barangay – ang Bgy. Mahabang Parang.
Sa Pililla, ang oath taking ng mga opisyal ng barangay ay idinaos sa Villa Lorenza nitong Hunyo 28, 2018. Ang inductiing officer ay si Pililla, Rizal Mayor Dan Masinsin. Ang Pililla ay may siyam na barangay. Sa Bgy. Halayhayin makikita ang 27 wind mill na pinagmumulan ng kuryente na isinu-supply sa Rizal at Metro Manila.
Sa Jalajala, ang huling bayan sa eastern Rizal na tinatawag na “Paraiso ng Rizal”, ang oathtaking ng opisyal ng barangay ay ngayong Hunyo 30, 2018. Ayon kay Boy Francisco, executive assistant ni Jalajala Mayor Ely Pillas, ang panunumpa ng mga kapitan ng mga opisyal ay gagawin sa covered court sa Liwasan Bayan ng Jalajala. Ang inducting officer ay si Jalajala Mayor Ely Pilllas. Ang Jalajala ay binubuo ng 11 barangay. May sampung barangay sa kabayanan. At isang mountain barangay – ang Bgy. Paalaman.
Ngayong Hunyo 30, idaraos din ang mass oathtaking ng mga opisyal ng barangay sa Tanay, Rizal. Ang panunumpa ay idaraos sa tapat ng munisipyo ng Tanay
Ang inducting officer ay si Tanay Mayor Rex Manuel Lito Tanjuatco. Ang Tanay ay may 19 na barangay. May sampung mountain barangay at may siyam na barangay sa bayan.
Sisikapin ng mga bagong opisyal ng barangay na mapaunlad ang kanilang nasasakupan at panatilihin ang kaayusan at katahimikan.
-Clemen Bautista