Umaasa si Senador Grace Poe na tatatag ang ekonomiya ng bansa dahil sa Balik Scientist program na naglalayong pabalikin sa bansa ang mga Pilipinong eksperto sa teknolohiya.
Aniya, makakamit ang layunin nitong mapaunlad ang pananaliksik upang masugpo ang kahirapan.
“Inaasahan nating ang ating mga kababayang eksperto sa kanilang larangan ay makapagbabahagi ng kanilang kaalaman para sa ikauunlad ng ating bansa. Sa pamamagitan ng batas na itong magbibigay ng malawak na benepisyo at pribilehiyo sa ating scientists, umaasa tayong maitataas at magiging produktibo ang iba’t ibang sektor,” sabi ni Poe.
Aniya, karaniwang kasunod ng katagang “Filipino scientist” ang mga salitang “nagtatrabaho sa ibang bansa,” at umaasa siyang maiiba ang sitwasyon sa oras na ipasa ang makapagbabagong batas-panlipunan na ito.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11305, na nilagdaan noong Hunyo 11, ang mga scientist na sertipikado ng Department of Science and Technology (DoST) ay maaaring Filipino citizens o dayuhan na may lahing Pilipino na may kinalaman sa agham at teknolohiya.
Ang minumungkahing termino ay may haba mula 15 araw hanggang anim na buwan para sa short-term engagement; anim na buwan hanggang tatlong taon para sa medium-term engagement; at hanggang anim na taon para sa long-term engagement.
Pagkakalooban ng special non-immigrant visa, libreng round trip airfare, accident at medical insurance, eksempsiyon mula sa licensing requirements ng Profesisonal Regulation Commission at maging sa mga buwis sa kanilang pang-araw-araw na allowance at sa donasyon ng mga instrumentong may kinalaman sa proyektong siyentipiko.
Para sa long-term program, pagkakalooban ang grantees ng benepisyo para sa relokasyon at pondo para sa pagtatayo ng pasilidad sa pananaliksik.
Itinatag ng Presidential Decree No. 819 ang Balik Scientist Program noong 197, na epektibo sa loob ng limang taon. Noong 1980, pinalawig ito hanggang 1986 sa pamamagitan ng Letter of Instruction No. 1044.
Noong 1993, binuhay ng Executive Order No. 130 ang brain gain program at isinailalim sa superbisyon ng Science and Technology department.
-Leonel M. Abasola