NANG tahasang ipahiwatig ni Pangulong Duterte ang pananatili ng jueteng, lalong tumibay ang aking paniniwala na ang naturang illegal numbers game ay patuloy na mamamayagpag hanggang sa pinakaliblib na sulok ng kapuluan. Ito ay bahagi ng sinaunang kultura ng sambayanang Pilipino na hindi dapat mamatay sa kabila ng naunang direktiba ng Pangulo, hinggil sa mistulang pagpuksa sa lahat ng uri ng sugal.

Bagamat mistulang pagtalikod sa naunang direktiba, nais niyang manatili ang jueteng upang sumigla ang mga gawaing pangkabuhayan o economic activity sa mga lalawigan, lalo na sa kanayunan. Kailangang magkaroon ng mapagkakakitaan ang ating mga kababayan, lalo na ang tinatawag na marginalized sector na nabubuhay nang isang-kahig-isang-tuka, wika nga.

Totoo, ang karamihan sa naturang sektor ng sambayanan ay kumikita lamang sa pamamagitan ng pangungubra ng jueteng. Bigla kong naalala ang aking Impo (lola sa iba) na naging isang kubrador ng nasabing sugal simula nang kanyang pagkabata hanggang sa bawian ng buhay. Ibig sabihin, mula noon, hangga ila masalang ng batas sa kanilang kasumpa-sumpang operasyon. Sa kabila ng mabigat din namang parusa sa mga kasangkot sa jueteng, tulad ng pagmumulta at pagkabilanggo, buhay na buhay pa rin ang nasabing sugal. Katunayan, wala akong natatandaang sinumang nahatulan sa nasabing sugal.

Isang malaking kabalintunaan na sa kabila ng pag-iral ng STL (small town lottery) hinahangad pa rin ng Pangulo na panatilihin ang jueteng. Nangangahulugan lamang na talagang hindi malilipol ang naturang sugal na naging bahagi na ng buhay ng ating mga kababayan; ito ay patuloy na mamamayagpag hanggang sa susunod na mga henerasyon.

-Celo Lagmay