SABAK sa Songkhla Thailand ang isa sa mga top junior athletes na pararangalan sa Phoenix Siklab Awards na si Veruel Verdadero para sa Asian Youth Olympic Qualifying Meet sa Hulyo 5-8.

Ang nasabing kompetisyon ay magsisilbing qualifying round para sa nalalapit na Youth Olympic Games sa Buenos Aires sa Argentina na nakatakda sa Oktubre 6-18 at ito rin ang unang pagkakaton na lalahok si Verdadero sa nasabing labanan kung sakaling makalusot ito sa qualifying meet.

“Excited po ako. At saka gustong-gusto ko pong mag-qualify kaya hindi po ako humihinto sa training,” pahayag sa 16-anyos na grade 11 student ng Jose Rizal University na nakatakdang umalis sa Hulyo 2.

Ayon sa kanya hindi biro ang training na ginagawa niya sa kasalukuyan upang makalusot sa qualifying meet at mapabilang sa YOG, kasabay ng kanyang pag-aaral.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Sa ngayon po, training at school ang buhay ko, kasi gusto ko po talagang makaangat pa po. Natutuwa din po ako kasi sobra po yung suporta ng pamilya ko sa akin,” ayon sa tubong Dasmarinas, Cavite na si Verdadero.

Kasama siya sa pararangalan bukas para sa kauna unahang Phoenix Siklab Awards ng PSC-POC Media Group na gagawin sa Century Park Hotel sa Malate Manila. Kabilang siya sa 24 batang atleta na pararangalan bilang POC Young Heroes Category bukod pa sa kabuuang 50 batang atleta na pararangalan.

“Masaya po ako at nagpapasalamat ng marami sa award po na binigay po ng PSC-POC Media Group. Nakakatuwa po kasi na-recognize po nila yung effort ko. Maraming salamat po,” ayon kay Verdadero.

Napabilang sa mga awardees si Verdadero dahil sa husay na ipinakita nito sa Palarong Pambansa at National Open kung saan kinilala siya bilang pinakabatang “ Sprint King” sa dalawang prestihiyosong kompetisyon kung saan humakot siya ng kabuuang apat na gintong medalya

-Annie Abad