Inaasahan ng pamahalaan na bababa na ang presyo ng lokal na bigas kasunod ng pagdating sa bansa ng mga bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA).
“Nagkaroon ng kumpirmasyon na nakapasok na sa merkado ang mas murang NFA rice. Nasa merkado na ang kinalap ng ating NFA na bigas, 250,000 metric tons galing sa Vietnam at Thailand,” sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang panayam sa Palasyo.
Ayon kay Roque, ibebenta ang mas murang angkat na bigas sa presyong P27 at 32 kada kilo.
Nilinaw naman ni Roque na gamit ang impormasyon mula sa Department of Agriculture (DA), mabibili na sa P36-P38 ang mga commercial rice bilang resulta ng pagdating sa bansa ng nasa 250,000 metriko-tonelada ng NFA rice.
Para naman mapalakas ang produksiyon at supply ng bigas sa bansa, sinabi ni Roque na mananatiling prioridad ng pamahalaan ang pagbili ng mga ani mula sa mga Pilipinong magsasaka, at hindi ang pag-angkat.
-Genalyn D. Kabiling