Muling pinatawan ng panibagong suspensiyon ang apat na opisyal ng Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa kinahaharap na kasong administratibo.

Kabilang sa sinuspinde sa simple neglect of duty sina Commissioners Alfredo Non, Gloria Victoria Yap- Taruc, Josefina Patricia Asirit, at Geronimo Sta. Ana.

Ang suspension order ay pirmado ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.

Binanggit sa kautusan ng Ombudsman na pinananagot nila ang apat na opisyal dahil sa pagpapahintulot sa Manila Electric Company (Meralco) na gamitin ang bill deposits ng mga consumer sa maling paraan nang isama ito sa operation cost.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Matatandaang sinuspinde na ng anti-graft agency nang isang taon ang apat na opisyal matapos mapatunayang nagkasala sa conduct prejudicial to the best interest of the service na pinabigat pa ng mga kasong simple misconduct at simple neglect of duty.

Sa pagpapataw ng 12-month preventive suspension, idinahilan ng Office of the Ombudsman ang hindi pagpapasali sa Meralco at sa iba pang kumpanya sa competitive selection process (CSP).

Gayunman, nang maghain ng petisyon sa Court of Appeals ang apat na opisyal ay pinawalang-bisa ng korte ang nasabing suspensiyon at pinabalik sa puwesto ang mga opisyal.

-Rey G. Panaligan