NAKAUNGOS si International Master Jan Emmanuel Garcia kontra kay National Master Rolando Andador para manatili sa ituktok ng liderato matapos ang Round 8 ng 2018 National Chess Championship ‘Trip To Batumi’ Grand Finals na ginanap sa Activity Hall, Alphaland Makati Place sa Makati City.
Si Garcia, bahagi ng coaching staff ng Ateneo de Manila University chess team, ay nagwagi kay Andador sa 51 moves ng Reti Opening tangan ang puting piyesa tungo sa total 6.5 points sa12 player’s field Single Round Robin tournament na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines sa pangunguna ni chairman/president Rep. Prospero “Butch” Pichay Jr. sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission at Alphaland Mall.
Nakatutok din sa Batumi Olympiad berths sa round robin final ay sina defending champion International Master Haridas Pascua na tinalo si Jeth Romy Morado sa 48 moves ng Slav defense at Fide Master Mari Joseph Logizesthai Turqueza namayani naman kay 13-time Philippine Open champion Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio Jr. sa 61 moves ng Reti Opening. Sina Pascua at Turqueza ay kapwa nakaipon ng tig 5.5 points.
Tabla naman sina International Master Paulo Bersamina at Grandmaster John Paul Gomez sa 30 moves ng Gruenfeld defense tungo sa 4th hanggang 5th spots na may tig 5.0 points.
Si Antonio ay nanatili sa 4.0 points, gaya ng iskor naman ni International Master Richelieu Salcedo III na natalo kay Jonathan Maca Jota sa 31 moves ng Reti Opening.
Sa distaff side, tabla si Woman Fide Master Shania Mae Mendoza kay Woman International Master Catherine Perena-Secopito sa 26 moves ng Scandinavian defense para manatili sa unahang puwesto na may 4.5 puntos sa anim na laro..