Kasabay ng halos araw-araw na pag-ulan sa nakalipas na mga araw dulot ng habagat, binalaan ng Department of Health (DoH) ang publiko kaugnay ng banta ng leptospirosis, dahil na rin sa pagbabaha sa ilang lugar.
Pinayuhan ng kagawaran ang publiko na kung maaari ay iwasang lumusong sa baha, o kung hindi naman maiiwasan ay gumamit ng proteksiyon, tulad ng bota at guwantes upang maiwasan ang impeksiyon mula sa sakit.
Ang leptospirosis ay sakit na maaaring makuha sa paglusong sa baha na kontaminado ng leptospira bacteria na nagmumula sa ihi ng mga hayop, tulad ng daga.
Kabilang sa sintomas ng leptospirosis ang mataas na lagnat, pananakit ng kalamnan, pamumula ng mata, panginginig, matinding sakit ng ulo, at paninilaw ng balat.
“Kung may lagnat na ng dalawang araw, lalo na kung lumusong sa baha, agad na kumonsulta sa pinakamalapit na health center upang masiguro ang iyong kalusugan,” paalala ng DoH.
Batay sa huling datos ng DoH, umabot na sa 725 kaso ng leptospirosis ang naiulat sa buong bansa simula Enero hanggang Marso 31 ngayong taon. Mas mataas ito ng 54.3% kumpara noong nakaraang taon, na may 470 kaso.
-Analou De Vera