NANAWAGAN ang Biodiversity Management Bureau (BMB) ng isang multi-sector collaboration para sa pangangalaga at proteksiyon sa critically endangered Philippine Eagle (na may scientific name na ‘Pithecophaga jefferyi’)—ang ating pambansang hayop at palatandaan ng ekolohikal na kalusugan.
Sa pagdiriwang ng 2018 Philippine Eagle Week (PEW) ng ahensiya na may temang”Ipagdiwang ang pagkakaisa para sa malayang agila!” nitong Sabado, sinabi ni BMB Director Crisanta Rodriguez na makatutulong ang kolaborasyon upang maipagpatuloy ang pangangalaga at pagprotekta, gayundin ang pagpapataas ng populasyon ng Philippine eagle.
“Collaborative conservation and protection of the Philippine eagle proved cohesive action and a supportive society can prevent the species’ extinction,” aniya.
Mula sa tinatayang 100 populasyon noong 1969, ipinagmalaki ni Rodriguez na umabot na ngayon ang bilang ng Philippine eagle sa 400 hanggang 500 pares. Kabilang sa natuklasan kamakailan ay ang pagkakadiskubre sa isang Philippine eagle sa isla ng Leyte— na inakalang naubos na lalo’t sa loob ng 30 taon walang iniulat na namataan ito sa lugar. “We confirmed new distribution record in the Cordilleras with an active nesting site located in Apayao province,” ayon kay Rodriguez.
Ibinahagi rin niya na sa isinagawang survey ng DENR at ng Haribon Foundation, natuklasan ang breeding pairs ng Philippine eagle at pugad nito sa kagubatan ng Gabaldon at Bongabon sa probinsya ng Nueva Ecija.
Dagdag pa ni Rodriguez, patuloy ang pangangalaga ng mga BMB, mga pribadong grupo, mga lokal na pamahalaan at indigenous local communities sa mga lugar kung saan nakatira at namamalagi ang mga Philippine eagle.
Aniya, nasa 586 na katutubo ang kasalukuyang nagbabantay ng mga Philippine eagle sa lugar, matapos silang dumaan sa pagsasanay sa ilalim ng Philippine Eagle Foundation (PEF) upang maging green guards.
“Conservation breeding of the species at Davao-based Philippine Eagle Center managed by PEF produced the first captive-bred Philippine eagle ‘Pag-asa’ in January 1992,” ani Rodriguez.
Ayon naman kay BMB-Wildlife chief Josefina de Leon, matatagpuan ang mga Philippine eagle sa ilang bahagi ng Luzon, Samar sa Visayas at isla ng Leyte, gayundin sa mga ilang lugar sa Mindanao.
Samantala, kabilang na ngayon ang Philippine Eagle sa International Union for Conservation of Nature’s Red List ng mga critically endangered dahil sa “extremely small population” nito na nakaranas rin ng “extremely rapid decline” sa nakalipas na tatlong henerasyon dulot ng matinding deforestation sa bansa.
Itinuturing na ‘critically endangered species’ ang isang hayop o organism kung nahaharap ito sa matinding banta ng pagkaubos.
PNA