ISANG malaking kabalintunaan na kasabay ng ating paggunita ngayon sa Araw ng Kalayaan o Independence Day, na hindi pa tayo ganap na malaya sa mga pagdurusa, pagmamalabis at mga panganib na gumigiyagis sa lipunan. Sa kabila ito ng hindi matawarang pagsisikap ng Duterte administration na lunasan ang pagdarahop at pagkagutom ng sambayaban, na lipulin ang mga katiwalian at sugpuin ang masasamang elemento ng mga komunidad, tulad ng kriminalidad at illegal drugs.
Ang ganitong nakapanlulumong sitwasyon ay pinagpipistahan naman ng ilang mapagsamantalang negosyante na walang pakundangan sa pagtataas ng presyo ng mahahalagang bilihin, lalo na ang pangangailangan ng mga mag-aaral. Tila manhid ang gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry (DTI), na kantiin, wika nga, ang mga komersyante sa pagkawawa sa mga mamimili. Nagdiriwang ang ilang mamumuhunan sa kanilang sakim na hangaring magkamal ng limpak-limpak na pakinabang o profit sa kapinsalaan ng sambayanan. Hindi ba ang ilan sa kanila ay malimit taguriang mga buwitre ng lipunan o vultures of society? Totoo, higit na nakararami ang mga komersyante na makatao at mapagmalasakit sa nagdarahop nating nga kababayan.
Higit na nagdiriwang sa sakim na pagnenegosyo ang ilang kapitalista ng industriya ng langis. Walang pakundangan ang ilan sa kanila sa halos sagad sa langit na pagtataas ng presyo ng krudo na nagdudulot ng ibayong pahirap hindi lamang sa mga pribadong motorista kundi higit sa lahat sa mga nagpapasada ng mga pampasaherong sasakyan.
Nakapanggagalaiti na laging kinakasangkapan ng mga oil company ang mapaminsalang Oil Deregulation Law (ODL). Dahil sa naturang batas, hindi sila masaling man lamang ng gobyerno; nakapagtatakda sila ng mga presyong nais nila para sa kanilang mga produkto sapagkat nakatali nga ang kamay ng pamahalaan sa gayong mga pagsasamantala ng ilang negosyante. At lagi nilang ibinabatay ang ipinatutupad na oil hike sa pabagu-bagong halaga ng inangkat nilang krudo. Ito ang dahilan kung bakit walang humpay ang mga panawagan na buwagin na ang ODL.
Ang ganitong nakadidismayang pahirap sa sambayanan ay isinisisi sa pinagtibay na TRAIN (Tax Reform on Acceleration and Inclusion) law. Naniniwala ako na ito ang salarin o culprit, wika nga, sa pagtataas ng halos lahat ng bilihin, lalo na ang krudo na pinatawan ng excise tax. Lalo itong nagpabigat sa kawing-kawing na pahirap sa sambayanan.
Sa ganitong mistulang pag-aalipusta at pagpapahirap sa mga mamamayan, hindi kaya sumiklab ang kanilang galit?
-Celo Lagmay