SA Gregorian calendar at maging sa kalendaryo ng ating panahon, ang Hunyo ang ikaanim na buwan. Ang Hunyo ay ang hudyat ng pagtatapos ng tag-araw na ang hatid ay mainit at maalinsagang panahon kahit sumisimoy ang hanging Amihan. Sa kabila ng panaka-nakang pag-ulan, ang buwan ng Hunyo ang pinipili ng magkasintahan ng kanilang pagpapakasal. Ang kasal ay ang katuparan ng kanilang mga pangarap na magkabuklod. Tumibay ang kanilang pagsasama at pundasyon ng pamilya kapag nagbunga na ang kanilang pagmamahalan o nagkaroon na ng mga anak.
Ang kasal ay ang katuparan ng pangako ng lalaking umiibig nang tapat sa kanyang sinisinta o babaeng minamahal. Pangarap ang kasal ng maraming dalaga na siya’y iharap sa altar ng lalaking pinagtiwalaan niya ng kanyang matamis na OO at pagmamahal.
Sa iniibig nating Pilipinas at maging sa ibang bansa, Hunyo ang pinipili at paboritong buwan ng pagpapakasal ng magkasintahan. Kaya, mapapansin na marami ang nagpapakasal kung Hunyo kaysa ibang buwan ng taon. Bagamat may mga nagpapakasal din ng Pebrero na itinuturing na Love month o Buwan ng Pag-ibig. May mga nagpapakasal din ng Disyembre sapagkat malamig ang panahon. Maganda at masarap daw mag-honeymoon. Angkop na angkop din sa pag-a-assemble ng baby.
Maraming paniniwala tungkol sa pagpapakasal kung buwan ng Hunyo. May nagsasabing maganda ang panahon kahit nagkakaroon ng mga pag-ulan. Marami ang naniniwala na ang ulan ay blessing o biyaya. Naghahatid ng magandang kapalaran sa mga ikinakasal. Sinasabi rin na kung Hunyo ay magaganda ang mga bulaklak. Maraming magagandang lugar na maaaring maging venu o lugar ng kasalan at reception matapos ang kasal. May mga nagpapakasal din kung kabilugan ng buwan o kabilugan na ng tiyan ng bride o babae. Hindi na maitago ng suot na damit-pangkasal.
Bukod sa mga nabanggit, kung noong Mayo ay namulaklak at namukadkad ang mga bulaklak ng Sampagita, Kampupot, Kamia at Ilang-ilang na ginamit sa “Flores de Mayo” o Pag-aalay ng mga Bulaklak sa Mahal na Birhen, kung buwan naman ng Hunyo, mapapansin ang pamumulaklak ng mga ROSAS. Kulay puti o pula man ang kulay ng Rosas, sagisag o simbolo ito ng pagmamahal. Kaya, mapapansin na ang mga ikinakasal ng Hunyo ay mga bulaklak ng Rosas ay ginagawang bridal o wedding bouquet. Hawak ng bride mula sa kanyang paglakad sa may pinto ng simbahan, kasabay ang ama hanggang sa harap ng altar na sasalubungin ng naghihintay na groom. Sisimulan naman ng pari ang ritwal ng kasal. Matapos ang kasal, ang bridal bouquet ay masayang inihahagis ng bride sa kanyang mga abay sa kasal. May naniniwala na ang abay na makasalo ng bridal bouquet ay ang susunod na ikakasal.
Ayon sa kasaysayan, ang tradisyon ng pagpapakasal ng Hunyo ay nagsimula pa noong unang panahon ng mga Romano. Ibinatay sa “June First Festival” at sa pagdiriwang nang ikasal sina Jupiter at Juno, ang diyosa ng pagpapakasal at pagsisilang ng sanggol.
Sinasabi rin na noong ika-15 siglo, pinipili ng mga babae ang magpakasal ng Hunyo sapagkat kasabay ito ng kanilang “taunang paliligo”. Noon, ang regular na paliligo ay hindi itinuturing na pangangailangan. Ginagawa ang pagligo isang beses sa loob ng isang taon at karaniwang itinatakda sa simula ng buwan ng Hunyo.
Matapos ang paliligo, marami na ang nagpapakasal sapagkat mabango na ang bride o ang babae. At para malanghap o maamoy na mabango, ang mga babaeng ikakasal ay nagdadala ng bungkos ng mga mababangong bulaklak. Sa nasabing tradisyon pinaniniwalaan na ibinatay ang pagdadala ng bridal bouquet o mga bulaklak ng Rosas ng bride sa paglalakad patungo sa altar. Sa choir loft ng simbahan, tinutugtog sa organ ng organista ang himig ng awit sa kasal na “Here comes the bride, all dress in white”. Ang pagsusuot naman ng puting damit ng babaing ikakasal ay sinimulan noong ika-16 na siglo. Ang puting damit-pangkasal o bridal gown ay sagisag ng kadalisayan.
Ang mga walang kakayahang magpakasal sa simbahan ay nagpapakasal na lamang sa judge o sa libreng kasalan ng kanilang mayor. Sa lalawigan ng Rizal, ang lungsod ng Antipolo, ang mga mayor ay may itinakdang mga araw ng pagkakasal. Ang KASAL, sa simbahan man ito o civil marriage ay sagrado. Pinagbubuklod ito ng matapat na pag-ibig at pagmamahal. Walang pag-ibig sa pagpapakasal. Nasa tao ang pag-ibig at ang tao ang naglalagay nito sa pagpapakasal. Sa pag-aasawa ay kailangang matutuhan ang sining at anyo ng pag-ibig. Hubugin ang ugali ng pagbibigayan, pagmamahal at paglilingkod.
Higit sa lahat, sapagkat ang kasal ay isang sakramento, marapat lamang na hindi dapat limutin ang aral na nakapaloob dito na: “Ang pinagtali ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao”. At ayon naman sa isang makata. “Ang pag-aasawa at pag-iisang dibdib, Pag-iisang buhay dito sa daigdig; Pagsasalong wagas sa tamis at pait; Sabay na pagpasan ng dusa’t ligalig; At ng paghahandog ng kapwa pag-ibig”.
-Clemen Bautista