BILANG isang octagenarian na malimit nang kapitan ng iba’t ibang karamdaman, isang malaking pagkukunwari kung hindi ko aaminin na nagpapaginhawa sa akin ang tinatawag na alternative herbal plants. Nasubukan ko na ang halos lahat ng uri ng mga halamang-gamot; kahit paano, napatunayan ko ang bisa ng mga ito sa aking mga karamdaman.
Naniniwala ako na ang insulin plant, halimbawa, ay nakapagpapababa ng blood sugar. Sa pamamagitan ng pagngata ng isang dahon nito, sumisigla ang aking pakiramdam.
Ang gayong tila mahimalang epekto ng insulin plant ay nasubaybayan ko sa programang Sa kabukiran ng DZMM/ABS-CBN. Napag-alaman ko na ang naturang halamang-gamot ay nagmula pa sa India at sinimulang palaguin sa Ninoy Aquino Park and Wildlife -- ang sentro ng exotic fruit-bearing trees ni Dr. Bernie Dizon.
Sa pamamagitan ng simple subalit makabuluhang instruksiyon ni Ka Bernie, kinikilalang pomologist o fruit-bearing tree expert sa bansa, naparami ko ang insulin plant kahit na ang mga ito ay nakatanim lamang sa mga paso o clay pot. Bagamat wala pa akong natutunghayang scientific test sa naturang halaman, naniniwala ako sa kagalingang hatid nito sa katulad kong ayaw layuan ng iba’t ibang sakit.
Matatagpuan din sa nursery ni Ka Bernie ang iba pang herbal plant na tulad ng guyabano. Isa rin itong halaman na pinaniniwalaan kong nakapagpapagaling ng iba’t ibang karamdaman. Natunghayan ko sa internet -- at batay na rin sa aking karanasan -- na ang pag-inom ng pinaglagaan ng dahon at tangkay ng guyabano ay nakalulunas ng depresyon, nagpapababa ng blood pressure, nakapagpapagaling ng iba pang sakit.
Sinasabi na ang guyabano ay itinuturing na cancer cell killer. May mga testimonya na higit pa ang epekto nito kaysa sa chemotherapy. Upang lalong tumindi ang bisa ng naturang halaman, hinahaluan ko ito ng luyang dilaw, tanglad at balat ng manggustin.
Bukod sa nabanggit na mga herbal plants, matatagpuan din sa nursery ni Ka Bernie ang iba’t ibang namumungang punungkahoy na tulad ng durian, rambutan, lansones, pomelo, latex-free langka, at iba’t ibang variety ng kalamansi. Ang paraan ng pangangalaga at pagtatanim ng mga ito ay itinuturo rin niya sa pamamagitan ng nakagawian niyang pagbibigay ng free instruction.
-Celo Lagmay