Inakusahan kahapon ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist Rep. Jericho Nograles ang transport network vehicle services (TNVS) na Grab Philippines nang “pang-aalipin” sa kanilang driver-partners.

Tinukoy ng kongresista ang ipinaiiral ng Grab na hindi pantay na hatian at imposibleng quotas para mabigyan ng insentibo.

Ibinunyag aniya ng Grab driver-partners ang paghihirap nila sa araw-araw na pagmamaneho ngunit, maliit lang ang naiuuwi sa kanilang pamilya.

“Grab is incentivizing modern-day slavery. While Grab executives are splurging on things like joining a P35-million per share golf country club, their driver-partners hardly earn enough to be able to afford three square meals a day and keep up with the amortization cost of their vehicles,” reaksiyon ni Nograles.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aniya, kumikita nang malaki ang nasabing TNVS habang ang mga driver nito ay nagtatrabaho na tila alipin at wala pang proteksiyon sa kanilang trabaho.

Nagpasya umano siyang maglabas ng pahayag sa publiko nang ipagtapat ng mga Grab driver na sa kanilang fare collection na P18,000 kada linggo, aabot lamang sa P3,930 per week ang napupunta sa kanila matapos ikaltas ang gastos at amortization, gas, food, internet, at iba pa.

Sa halagang ito, ang take home pay umano ng bawat Grab driver-partner matapos kaltasan ay P655 kada araw sa pagmamaneho ng 18 oras habang ang nakukuha ng Grab ay average na P600 kada araw na kumakatawan sa kanilang komisyon nang hindi man lamang pinapawisan.

“After working 18 hours per day for 6 days, it turns out that the real commission of Grab is not 20% but more like 48% or higher. Puwede nang manalo ng Guinness Book of World Records ang Grab as the most expensive ‘barker’ in the world,” diin pa ng kongresista.

-Bert de Guzman