NANG idaos ang ordinasyon kamakailan ng isang bagong pari na biyudo at may tatlong anak, bigla kong naitanong: Hindi ba mahigpit na ipinatutupad ng Simbahang Katoliko ang tinatawag na ‘celibacy’? Ibig sabihin, ang mga may buhay st walang asawa lamang ang tinatanggap bilang pari. May pag-aalinlangang gumitaw sa aking utak.
Maaaring ang naturang seremonya sa pagpapari o ordinasyon ni Rev. Fr. Lamberto Ramos, 66 anyos, ay maituturing na ‘special occasion’ dahil nga sa kanyang pagiging isang biyudo. Subalit maliwanag ang pahiwatig ni Antipolo Bishop Francisco de Leon: Dapat ay muli siyang nag-asawa o nagretiro na lamang, subalit pinili niyang maging isang pari, maliwanag na tumugon siya sa pag-ibig ng Diyos.
Sa aking pagkaunawa, si Rev. Fr. Lamberto ay dati nang pari na nag-asawa at nagkaroon ng tatlong supling; nabiyudo dahil sa pagkamatay ng kanyang ginang noong 2009; isa siyang kilalang negosyante. Ngayon, siya ay itatalaga sa Our Lady of Abandoned Parish sa Marikina City.
Sa bahaging ito, napawi ang aking pagdududa hinggil sa katapatan at kabanalan ng hangarin ng sinuman upang maglingkod sa Panginoon. Walang dapat maging balakid sa pagpapamalas ng pag-ibig ng Maykapal sa kanyang mga nilikha. Ang ganitong paninindigan na malimit ituring na isang panata ay magagampanan ng sinuman kahit na anong sekta ang kanyang kinaaaniban.
Sa aming kinagisnang sekta – ang Aglipayan Church – pinapayagang makapag-asawa ang mga pari. Totoo, ang ganitong sistema ay taliwas sa umiiral na kalakaran sa Simbahang Katoliko. Subalit wala akong makitang dahilan upang magkaroon ng magkasalungat na paniniwala sa dalisay na pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga kinapal; ang Kanyang mga aral ay laging nakakintal sa ating mga puso at diwa sa lahat ng pagkakataon, lalo na kung tayo ay nasusuong sa mga panganib.
Gayunman, hindi maiiwasan na ang ilang sektor ay magkaroon ng magkakaibang impresyon sa mga alagad ng iba’t ibang sekta. Dapat lamang asahan ang ganitong mga pananaw, alinsunod sa tinatawag na freedom of religion. Hindi maiaalis na ang ilang alagad ng relihiyon ay tumatawid din sa masalimuot na landas at layuan din ng kanyang mga kapanalig.
Sa isang pahayag na maaaring may kaakibat na pagbibiro, halimbawa, ipinahiwatig ni Pangulong Duterte na hindi niya kailangan ang seremonya ng isang pari kapag siya ay namatay. Nakaangkla ang naturang pahayag sa sinasabing malimit na pagpuna ng naturang mga alagad ng simbahan sa kanyang kampanya laban sa illegal drugs.
Anupa’t ang hangarin ng sinuman upang makapaglingkod sa Diyos ay hindi dapat magkaroon ng balakid at hangganan.
-Celo Lagmay