Nakapagtala ang Department of Health (DoH) ng mahigit 26,000 kaso ng dengue sa buong bansa, sa unang tatlong buwan ng taong 2018, ngunit mas mababa ito kumpara sa naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Batay sa Epidemiology Bureau Public Health Surveillance Division Dengue Report No. 3, 26,042 ng DoH, sinubaybayan ang mga kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Marso 31.
“This is 17 percent lower compared to the same period last year (31,358),” saad sa report ng DoH.
Ang mga rehiyon na pinakamarami ang bilang ng kaso ay ang Calabarzon (Region 4-A) sa naitalang 4,902; National Capital Region (4,874); Central Luzon (4,482); Northern Mindanao (1,533); Central Visayas (1,487); at Western Visayas (1,482).
Bumaba rin ang bilang ng pagkamatay dulot ng dengue ngayong taon sa kabuuang 136 kaso, kumpara noong nakaraang taon sa rekord na 180 kaso ng pagkamatay.
Pinakamarami ang kaso ng pagkamatay sa Calabarzon na may 29; sinundan ng Metro Manila sa 17; Western Visayas na mayroong 14; Northern Mindanao sa naitalang 13 kaso; at Central Visayas at Central Luzon na mayroong tig-11 kaso.
Karamihan sa mga nagka-dengue ay edad sampu hanggang 14, na may 6,498 kaso.
Mahigit sa kalahati ng nagka-dengue ay kalalakihan sa kabuuang 13,951 kaso.
PNA