SA kabila ng magkakasalungat na argumento hinggil sa sinasabing paglilipat ng Philhealth sa Department of Health (DoH) ng P10.6 billion senior citizen funds, lalong nagpuyos sa galit ang kapwa naming nakatatandang mga mamamayan. Isipin na lamang na ang naturang nakalululang pondo ay mistulang inagaw sa amin at maaaring iniukol sa mga programang batbat ng mga kababalaghan; ito ang unang kawing ng mga pagdurusa na pinapasan ng mga senior citizen, na hindi malayong maging sanhi ng pag-ikli ng aming buhay.
Ang tila mahimalang paglilipat ng naturang pondo ay sinasabing naganap noong 2015 – noong hinalinhang Aquino administration – isang taon bago idinaos ang 2016 presidential polls. Totoo kaya ang mga haka-haka na ang naturang pondo ay ginamit sa eleksiyon? Ang pagbusisi sa nasabing masalimuot na isyu ay hindi dapat palampasin ng Duterte administration, bago tayo magising sa katotohanan na nasaid na ang pondo ng Philhealth.
Bagamat ang nasabing pondo ay nakaukol lamang sa mga senior citizen, naniniwala ako na marapat ding makinabang dito ang lahat ng miyembro ng Philhealth. Walang sinumang dapat makaligtaan, lalo na ang mga may mahigpit na pangangailangan para sa kanilang mga gamot at sa pagpapaospital. Ang bahagi ng naturang gugugulin ay maaaring maipambayad din sa pagkakautang ng Philhealth sa mga pribadong ospital. Sa gayon, mapapawi ang mga pangamba na ang naturang mga pagamutan na pawang mga miyembro ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP), ay tuluyang kumalas sa naturang ahensiya ng gobyerno. Mabuti na lamang at tila humupa na ang banta ng naturang Philhealth-accredited hospitals.
Isa pang kawing ng pagdurusa na pabigat sa katulad nating mga senior citizen ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga produkto ng petrolyo. Sagad sa langit, wika nga, ang pagpapataw ng price-hike ng ilang mapagsamantalang negosyante; kakarampot naman kung sila ay magpatupad ng roll-back. Lagi nilang idinadahilan ang pagtaas-pagbaba ng presyo ng inaangkat nilang krudo sa mga kasapi ng OPEC (Oil Producing and Exporting Countries).
Mistulang nakatali ang mga kamay ng pamahalaan sa gayong pagmamalabis ng ilang negosyante. Lagi nilang isinasangkalan ang Oil Deregulation Law (ODL) na nagbibigay sa kanila ng labis na kapangyarihan sa pagtatakda ng presyong nais nila para sa kanilang mga produkto.
Ito marahil ang dahilan ng pagpapatibay ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na nagpapataw ng excise tax sa oil products at iba pang produkto, dahilan upang tumaas naman ang presyo ng mga bilihin at iba pang serbisyo.
Ilan lamang ito sa kawing-kawing na pagdurusa na pinapasan ng sambayanan, lalo na naming mga nakatatandang mamamayan.
-Celo Lagmay