MAHALAGANG mabasa ng buong sambayanan, kahit saan pang lupalop ng bansa naninirahan at kahit anong relihiyon ang inaaniban, ang House Bill 6475 na kasalukuyang binabraso ulit sa Kongreso, sa Mababang Kapulungan at Senado.
Ito ay gaya sa naganap, sa panahon ng pamamahala ni dilawang P-Noy, noong ilugso sa ating republika ang Memorandum of Agreement on the Ancestral Domain (MOA-AD). Mabuti na lang at noong Oktubre 14, 2008, ay naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na ito ay ilegal at lumalabag sa Saligang Batas. Ang HB 6475 ay halos kakambal din ng MOA-AD. Una na nating nabatingaw sa espasyong ito na nagkaroon ng pagdinig si Senador Miriam Santiago sa kanyang Komite on Constitutional Amendments, at ipinatawag niya ang iba’t ibang justices ng Supreme Court upang talakayin ang nabanggit na usapin.
Sa kabuuang pananaw ay walang kapangyarihan ang mga susunod na Kongreso na magpanday ng bagong autonomous region o higit, Bangsamoro Government. Nakaatas lamang ito sa kauna-unahang Kongreso (1987 Konstitusyon, Art. 10, Sec. 19). Maaring amyendahan ang Batas sa ARMM, subalit hindi ito maaaring palitan. Puntos pa ni Miriam sa BBL, “Nagtatag ito ng bagong estado imbes na autonomous region”.
Kung babasahin mo nga naman ang panukalang BBL, bakit nila ulit inihahain ang isang putahe na plakadong labag sa Konstitusyon? Muling binubuhay sa BBL ang pagpapalawak ng kanilang “teritoryo”. Kada limang taon sa susunod na 25 taon, magkakaroon ng plebesito para sa mga lalawigan, munisipyo at iba pa, na hindi nakasali sa Bangsamoro. Nandiyan pa na “Chief Minister” sila, may parliament, sariling Komisyunado sa Human Rights, Audit, Comelec, Auditing at iba pa. Magpapasa ng “batas” ang kanilang parliament, halimbawa ay Labor Laws.
Sa mga buwis na kokolektahin, ang partehan ng Bangsamoro at pamahalaan ay 75 porsyento hanggang 25 porsyento. At sa loob ng 10 taon, ay mapupunta na sa kanila ang buong 100 porsyento ng tax.
Paano na lang ang ibang mga lalawigan at LGUs? May “Block Grant” pa sila na pera mula sa pamahalaan bilang tulong pinansyal. Kung pera ni Juan de la Cruz ang kanilang ginagasta, hindi ba dapat buong Pilipinas ang kasama sa plebesito na maaaring lumumpo sa kabuuang Republika?
-Erik Espina