Umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na maipapasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) bago magsara ang sesyon ng Kongreso sa Hunyo 2, inihayag ng Malacañang kahapon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nangako ang mga lider ng Senate at House of Representatives na gagawin ang lahat ng posible para maipasa ang BBL sa pakikipagpulong nila sa Pangulo nitong Lunes.

“The certification (of urgency) may not be necessary because in the first place they have different versions but the commitment is for both Houses to pass it and to reconcile whatever versions they may have so it can be enacted into law at the soonest time possible,” ani Roque sa press conference sa Bontoc, Mt. Province.

“Now, of course, we would like to see the BBL enacted before Congress goes into recess on June 2, pero ang pangako po talaga is they would do everything that is humanly possible to pass BBL,” dugtong niya.

Sementeryo sa Albay, pinagbubutas; masangsang na amoy, umaalingasaw

Kalaunan ay nilinaw ni Roque ang kanyang pahayag na maaaring hindi na sesertipikahang urgent ng Pangulo ang BBL, nan hindi ito tumugma sa pahayag ng mga lider ng Kongreso.

“Let’s wait na lang if he actually does. Not that he doesn’t want to. But not sure which version,” aniya.

Nakipagpulong ang Pangulo kina Senate President Vicente Sotto III, Speaker Pantaleon Alvarez at ilang mambabatas sa Palasyo nitong Lunes ng gabi para hilingin ang approval ng panukalang batas para sa BBL.

Bago makipagpulong sa mga mambabatas tinalakay ng Pangulo ang peace initiative sa mga miyembro ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) na nagbalangkas ng panukalang BBL.

Nilalayon ng batas na lumikha ng Bangsamoro region na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Inilarawan ni Roque ang huling pag-uusap ng Pangulo sa Kongreso at mga miyembo ng BTC na “conciliation meeting.” “Nagkasundo po muli ang liderato pati po ang BTC na kinakailangan ng bansa ang BBL,” aniya.

Nanindigan naman si Senate President Vicente Sotto III na sesertipikahang urgent ni Pangulong Duterte ang panukalang BBL.

“The President told us last night that he will (certify BBL as urgent). He also knows there are two versions. We will not be able to pass BBL on third reading if we do not get a certification of urgency,” saad sa text message ni Sotto.

Ito ang nilinaw ni Sotto matapos magpahayag si Roque na hindi na mag-iisyu ng certification of urgency ang Pangulo sa magkakaibang bersiyon ng Senado at Kamara sa BBL.

Ayon kay Sotto, inaasahan pa rin niyang makatanggap ng certification ng Pangulo. Dahil kung wala nito, ang “best” na magagawa nila ay aprubahan ang BBL sa ikalawang pagbasa.

“We all agreed to pass our own versions of BBL then iron out the differences during the bicam. The President will release the certification as urgent today so we can pass it on third reading tomorrow (Wednesday),” sinabi naman ni Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri.

Magdadaos ang Kongreso ng huling sesyon nito bukas bago ang sine-die adjournment.

-GENALYN D. KABILING, VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at LEONEL M. ABASOLA