BEIJING (AFP) – Nagpahayag ng ‘’strong dissatisfaction’’ ang China matapos maglayag ang dalawang warships ng United States sa islang inaangkin nito sa pinagtatalunang South China Sea.
Nakasaad sa inilabas na pahayag ng foreign ministry ang ‘’resolute opposition’’ nito sa paglayag ng US sa pinagtatalunang Paracel Island chain nitong Linggo.
Nagsasagawa ang US military ng tinatawag nitong ‘’freedom of navigation’’ voyages sa South China Sea para kontrahin ang pag-aangkin ng China sa mga teritoryo.
Pumasok ang Higgins destroyer at Antietam cruiser ng US Navy sa territorial waters ng China nang walang permiso at sinalubong ito ng Chinese Navy, na nagsagawa ng ‘’verification and identification of US ships according to law and warned them to leave,’’ sinabi ng ministry.
Iniulat ng state-run news agency na Xinhua, pinalayas ang dalawang barko.
Isinagawa ang operasyon isang linggo matapos magpadala ang Beijing ng nuclear-capable bombers sa mga pinagtatalunang isla. Kaagad itong binatikos ng US, na noong nakaraang linggo ay binawi ang imbitasyon sa China na sumali sa maritime exercises sa Pacific dahil sa patuloy na militarisasyon sa South China Sea.