Magkakaroon ng press conference ang Samahan ng Basketbol ng Pilipinas (SBP) ngayong gabi tungkol sa isyung nagpositibo umano sa drug test ng FIBA World Cup Asian Qualifiers si Kiefer Ravena.
Ayon kay SBP Executive Director Sonny Barrios, ang presscon ay magaganap ganap na 6:00 ng gabi sa Mandaluyong City upang ipaliwanag ang dahilan kung bakit biglang inalis si Ravena sa PBA All Star Week sa Iloilo City noong Linggo.
Unang lumabas sa Spin.ph ang isyu tungkol sa hindi pagpasa ni Ravena sa drug test na mabilis kumalat hanggang noong gabi ng PBA All Star Week.
Marami ang nagtataka sa pahayag ni Commissioner Willie Marcial na hindi makakasama si Ravena sa All Star match at ang agarang pagpapauwi sa kanya ng SBP sa Maynila. Binanggit din niya ang biglaang pagkawala ni Ravena sa PBA All Star Week ilang minuto bago pa magsimula ang Visayas All-Stars sa University of San Agustin gym, na nagwagi sa puntos na 157-141.
Ipinagbabawal ang paggamit ng PED sa lahat ng kumpetisyon lalo na sa Olympics at FIBA World Cup.
Kung sakaling kumpirmahin ng SBP ang mga alegasyon kay Ravena, maaari siyang maharap sa suspensiyon mula sa FIBA at PBA. Si Ravena, na guard ng NLEX Road Warriors, ay isa pa naman sa mga kandidato para sa Rookie of the Year dahil sa ipinakita niyang galing noong semi-finals sa Philippine Cup.
Isa ring posibilidad ay bawiin sa Gilas Pilipinas ang kanilang pagkapanalo sa nakaraang World Cup qualifiers. Sigurado nang makakapasok ang Gilas sa susunod na round ng qualifiers, na may record na 3-1 sa Group A.
Magkakaroon ulit ng laro ang Gilas sa Hunyo laban sa Taiwan na gaganapin sa Taipei at isang home match laban sa Australia, na gaganapin naman sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Halo-halo ang mga reaksiyon at komento sa social media ng mga tao ukol sa isyu ni Ravena. Isa siya sa pinakasikat na basketball player ngayon, na mayroong 752,000 followers sa Twitter at 149,000 sa Instagram.
Hindi pa nagsasalita si Ravena tungkol sa isyu.